2 Samuel 16:11-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

11. Sinabi ni David kay Abishai at sa lahat ng opisyal niya, “Kung ang anak ko nga ay binabalak akong patayin, paano pa kaya itong kamag-anak ni Saul? Inutusan siya ng Panginoon kaya hayaan nʼyo na lang siya.

12. Baka makita ng Panginoon ang paghihirap ko, at gantihan niya ng kabutihan ang kasamaang nararanasan ko ngayon.”

13. Kaya nagpatuloy sa paglakad sina David at ang mga tauhan niya. Sinusundan din sila ni Shimei, pero sa gilid ng burol lang siya dumadaan. Habang naglalakad siya, isinusumpa niya si David at hinahagisan ng bato at lupa.

14. Napagod sina David at ang mga tauhan niya kaya nagpahinga sila pagdating nila sa Ilog ng Jordan.

15. Samantala, dumating sa Jerusalem sina Absalom, Ahitofel at ang iba pang mga Israelita.

16. Dumating din doon si Hushai na Arkeo, na kaibigan ni David. Pumunta siya kay Absalom at sinabi, “Mabuhay ang hari! Mabuhay ang hari!”

17. Tinanong ni Absalom si Hushai, “Nasaan na ang katapatan mo sa kaibigan mo na si David? Bakit hindi ka sumama sa kanya?”

18. Sumagot si Hushai, “Hindi! Sa inyo po ako sasama dahil kayo ang pinili ng Panginoon at ng buong mamamayan ng Israel na maging hari.

19. Bukod pa riyan, sino pa ba ang pagsisilbihan ko, kundi kayo na anak ni David. Naglingkod ako noon sa ama nʼyo, ngayon, kayo naman ang paglilingkuran ko.”

20. Sinabi ni Absalom kay Ahitofel, “Ngayon, ano ang maipapayo mong gawin natin?”

21. Sumagot si Ahitofel, “Sipingan nʼyo ang mga asawang alipin ng inyong ama na kanyang iniwan para asikasuhin ang palasyo. At malalaman ng buong Israel na ginalit nʼyo nang labis ang inyong ama at lalakas pa lalo ang suporta ng mga tauhan nʼyo sa inyo.”

22. Kaya nagpatayo sila ng tolda sa bubungan ng palasyo para kay Absalom, at nakikita ng buong Israel na pumapasok siya roon para sumiping sa mga asawa ng kanyang ama.

23. Nang mga panahong iyon, sinusunod ni Absalom ang mga payo ni Ahitofel, gaya ng ginawa ni David. Dahil ipinapalagay nilang galing sa Dios ang bawat payong ibinibigay ni Ahitofel.

2 Samuel 16