24. Nandoon ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na buhat ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod.
25. Pagkatapos, sinabi ni David kay Zadok, “Ibalik ang Kahon ng Dios sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko itong muli at ang lugar na kinalalagyan nito.
26. Pero kung hindi, handa ako kung anuman ang gusto niyang gawin sa akin.”
27. Sinabi pa ni David kay Zadok, “Matiwasay kayong bumalik ni Abiatar sa Jerusalem kasama ang anak mong si Ahimaaz at ang anak ni Abiatar na si Jonatan, at magmanman kayo roon.
28. Maghihintay ako sa tawiran ng ilog sa disyerto hanggang sa makatanggap ako ng balita galing sa inyo.”
29. Kaya ibinalik nina Zadok at Abiatar ang Kahon ng Dios sa Jerusalem, at nanatili sila roon.
30. Umiiyak na umakyat si David sa Bundok ng Olibo. Nakapaa lang siya at tinakpan niya ang ulo niya bilang pagdadalamhati. Nakatakip din ng ulo ang mga kasama niya at umiiyak habang umaakyat.
31. May nagsabi kay David na si Ahitofel ay sumama na kay Absalom. Kaya nanalangin si David, “Panginoon, gawin po ninyong walang kabuluhan ang mga payo ni Ahitofel.”
32. Nang makarating sina David sa ibabaw ng Bundok ng Olibo, kung saan sinasamba ang Dios, sinalubong siya ni Hushai na Arkeo. Punit ang damit niya at may alikabok ang kanyang ulo bilang pagdadalamhati.
33. Sinabi ni David sa kanya, “Wala kang maitutulong kung sasama ka sa akin.
34. Pero kung babalik ka sa lungsod at sasabihin mo kay Absalom na pagsisilbihan mo siya gaya ng pagsisilbing ginawa mo sa akin, matutulungan mo pa ako sa pamamagitan ng pagsalungat sa bawat payong ibibigay ni Ahitofel.
35. Naroon din sina Zadok at Abiatar na mga pari. Sabihin mo sa kanila ang lahat ng maririnig mo sa palasyo ng hari.
36. Pagkatapos, papuntahin mo sa akin ang mga anak nilang sina Ahimaaz at Jonatan para ibalita sa akin ang mga narinig nila.”
37. Kaya bumalik sa Jerusalem si Hushai na kaibigan ni David. Nagkataon naman na papasok noon ng lungsod si Absalom.