2 Samuel 15:10-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. Pero nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ”

11. Isinama ni Absalom ang 200 tao para pumunta sa Hebron. Subalit ang mga taong itoʼy walang alam sa mga plano ni Absalom.

12. Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel sa bayan ng Gilo. Taga-Gilo si Ahitofel at isa sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.

13. May isang mensaherong nagsabi kay David na ang mga Israelitaʼy nakipagsabwatan na kay Absalom.

14. Sinabi ni David sa lahat ng kasama niyang opisyal sa Jerusalem, “Dali, kailangan nating makatakas agad. Baka sumalakay si Absalom at maabutan niya tayo at pagpapatayin tayong lahat pati na ang mga nakatira sa Jerusalem. Dalian nʼyo, kung gusto ninyong makaligtas kay Absalom!”

15. Sinabi ng mga opisyal, “Mahal na Hari, handa po kaming gawin ang anumang sabihin nʼyo sa amin.”

16. Kaya lumakad si David kasama ang buong sambahayan niya, pero iniwan niya ang sampu niyang asawang alipin para asikasuhin ang palasyo.

17. Lumakad na si David at ang mga tauhan niya, at huminto sila sa tapat ng kahuli-hulihang bahay ng lungsod,

18. at pinauna ni David ang lahat ng tauhan niya, pati na ang lahat ng personal niyang tagapagbantay na mga Kereteo at Peleteo. Sumunod ang 600 tao na galing sa Gat at sumama kay David.

19. Sinabi ni David kay Itai na pinuno ng mga taga-Gat, “Bakit kayo sumasama sa amin? Bumalik kayo sa Jerusalem, sa bagong hari ninyo na si Absalom. Mga dayuhan lang kayo sa Israel na tumakas mula sa lugar ninyo.

20. Kadarating lang ninyo dito, tapos ngayon sasama kayo sa amin na hindi nga namin alam kung saan kami pupunta? Bumalik na kayo kasama ng mga kababayan nʼyo, at ipakita sana sa inyo ng Panginoon ang pagmamahal niya at katapatan.”

21. Pero sumagot si Itai sa hari, “Sumusumpa po ako sa Panginoon na buhay at sa inyo, Mahal na Hari, sasama po kami sa inyo kahit saan kayo pumunta, kahit na kamatayan pa ang kahihinatnan namin.”

22. Sinabi ni David sa kanya, “Kung ganoon, sige, sumama kayo sa amin.” Kaya lumakad si Itai at ang lahat ng tauhan niya, at ang pamilya niya.

23. Humagulgol ang mga tao sa Jerusalem habang dumadaan ang mga tauhan ni David. Tumawid si David sa Lambak ng Kidron kasama ang kanyang mga tauhan patungo sa disyerto.

24. Nandoon ang mga paring sina Zadok at Abiatar, at ang mga Levita na buhat ang Kahon ng Kasunduan ng Dios. Inilagay nila ang Kahon ng Kasunduan sa tabi ng daan at naghandog si Abiatar hanggang sa makaalis ang lahat ng tauhan ni David sa lungsod.

25. Pagkatapos, sinabi ni David kay Zadok, “Ibalik ang Kahon ng Dios sa Jerusalem. Kung nalulugod sa akin ang Panginoon, pababalikin niya ako sa Jerusalem at makikita ko itong muli at ang lugar na kinalalagyan nito.

2 Samuel 15