1. Pagkatapos, nagkaroon si Absalom ng karwahe at mga kabayo, at nakapagtipon siya ng 50 personal na tagapagbantay.
2. Maaga siyang gumigising araw-araw at tumatayo sa gilid ng daan papunta sa pintuan ng lungsod. Kapag may dumarating na tao para idulog ang kaso niya sa hari, tinatanong siya ni Absalom kung taga-saan, at sinasabi ng tao kung saang lahi siya ng Israel nagmula.
3. Pagkatapos, sinasabi sa kanya ni Absalom, “Malaki ang pag-asa mong manalo sa iyong kaso, kaya lang, walang kinatawan ang hari para duminig ng kaso mo.
4. Kung ako sana ang hukom, makakalapit sa akin ang bawat tao na mayroong reklamo o kaso, at titiyakin kong mabibigyan siya ng hustisya.”
5. At kung may lalapit na tao kay Absalom at yuyukod bilang paggalang, niyayakap niya ito at hinahalikan bilang pagbati.
6. Ganito ang ginagawa ni Absalom sa lahat ng Israelitang pumupunta sa hari para idulog ang kaso nila. Kaya nakuha niya ang tiwala ng mga Israelita.
7. Pagkalipas ng apat na taon, sinabi ni Absalom sa hari, “Payagan nʼyo po akong pumunta sa Hebron para tuparin ang ipinangako ko sa Panginoon.
8. Noong naninirahan pa ako sa Geshur na sakop ng Aram, nangako ako sa Panginoon na kung pababalikin ulit ako ng Panginoon sa Jerusalem, sasamba ako sa kanya sa Hebron.”
9. Sinabi ng hari sa kanya, “Sige, magkaroon ka sana ng matiwasay na paglalakbay.” Kaya pumunta si Absalom sa Hebron.
10. Pero nang dumating si Absalom sa Hebron, lihim siyang nagsugo ng mga mensahero sa buong Israel para sabihin, “Kapag narinig nʼyo ang tunog ng trumpeta, sumigaw kayo, ‘Si Absalom na ang hari ng Israel, at doon siya naghahari sa Hebron!’ ”
11. Isinama ni Absalom ang 200 tao para pumunta sa Hebron. Subalit ang mga taong itoʼy walang alam sa mga plano ni Absalom.
12. Habang naghahandog si Absalom, ipinatawag niya si Ahitofel sa bayan ng Gilo. Taga-Gilo si Ahitofel at isa sa mga tagapayo ni David. Habang tumatagal, lalong dumarami ang mga tagasunod ni Absalom, kaya lumakas nang lumakas ang plano niyang pagrerebelde laban kay David.