21. Kaya ipinatawag ng hari si Joab at sinabi, “Sige, lumakad ka at dalhin mo pabalik dito ang binatang si Absalom.”
22. Nagpatirapa siya sa hari at sinabi, “Pagpalain sana kayo ng Panginoon, Mahal na Hari. Ngayon, nalalaman kong nalulugod kayo sa akin dahil tinupad nʼyo ang kahilingan ko.”
23. Pagkatapos, pumunta si Joab sa Geshur at dinala si Absalom pabalik sa Jerusalem.
24. Pero iniutos ng hari, “Doon siya pauwiin sa bahay niya. Ayaw ko siyang makita rito sa palasyo.” Kaya umuwi si Absalom sa sarili niyang bahay at hindi na siya nagpakita sa hari.
25. Wala nang hihigit pa sa kagwapuhan ni Absalom sa buong Israel kaya hinahangaan siya ng lahat. Wala siyang kapintasan mula ulo hanggang paa.
26. Isang beses lang siya magpagupit bawat taon kapag nabibigatan na siya sa buhok niya. Kung titimbangin ang buhok niya, aabot ito ng dalawang kilo, ayon sa timbangang ginagamit ng hari.
27. Si Absalom ay may tatlong anak na lalaki at isang napakagandang babaeng nagngangalang Tamar.
28. Nanirahan si Absalom sa Jerusalem sa loob ng dalawang taon na hindi nakikita ang hari.
29. Isang araw, ipinatawag ni Absalom si Joab para hilingin na makipag-usap ito sa hari para sa kanya. Pero hindi pumunta si Joab kay Absalom. Kaya muling ipinatawag siya ni Absalom, pero hindi na naman siya pumunta.
30. Sinabi ni Absalom sa mga lingkod niya, “Sunugin nʼyo ang bukid ni Joab na taniman ng sebada. Katabi lang ito ng bukid ko.” Kaya sinunog nila ang bukid ni Joab.
31. Pumunta si Joab kay Absalom at sinabi, “Bakit sinunog ng mga lingkod mo ang bukid ko?”
32. Sumagot si Absalom, “Dahil hindi ka pumunta rito noong ipinatawag kita. Gusto ko sanang pumunta ka sa hari at tanungin siya kung bakit ipinakuha pa niya ako sa Geshur. Mas mabuti pang nagpaiwan na lang ako roon. Gusto kong makita ang hari, kung nagkasala ako, patayin niya ako.”
33. Kaya pumunta si Joab sa hari, at ipinaabot dito ang mga sinabi ni Absalom. Pagkatapos, ipinatawag ng hari si Absalom, pagdating niya, yumukod ito sa hari bilang paggalang. At hinalikan siya ng hari.