11. Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, sumumpa po kayo sa Panginoon na inyong Dios, na hindi nʼyo papayagang may maghiganti pa sa anak ko para hindi na lumala ang pangyayari, at para hindi mapatay ang anak ko.” Sumagot si Haring David, “Isinusumpa ko sa Panginoon na buhay, na hindi mapapahamak ang anak mo.”
12. Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, may isa pa po akong hihilingin sa inyo.” Sumagot ang hari, “Sige, sabihin mo.”
13. Sinabi ng babae, “Bakit hindi nʼyo po gawin sa mga mamamayan ng Dios ang ipinangako nʼyong gagawin para sa akin? Kayo na ang humatol sa inyong sarili sa ginawa nʼyong desisyon, dahil sa hindi nʼyo pagpapabalik sa itinaboy nʼyong anak.
14. Mamamatay tayong lahat; magiging gaya tayo ng tubig na natapon sa lupa at hindi na muling makukuha. Pero hindi lang po basta-basta kinukuha ng Dios ang buhay ng tao, sinisikap niyang mapanumbalik ang mga taong napalayo sa kanya.
15. “Mahal na Hari, pumunta po ako rito para sabihin ang problema ko dahil natatakot ako sa mga kamag-anak ko. Nagpasya akong makipag-usap sa inyo dahil baka magawan nʼyo ng paraan ang kahilingan ko,
16. na mailigtas nʼyo kami ng aking anak sa mga taong nagtatangkang kunin ang lupaing ibinigay sa amin ng Dios.
17. Ang desisyon nʼyo ang makapagbibigay sa akin ng kapayapaan dahil tulad kayo ng isang anghel ng Dios, na nakakaalam kung ano ang masama at mabuti. Lagi sana kayong samahan ng Panginoon na inyong Dios.”
18. Sinabi ng hari sa babae, “May itatanong ako sa iyo at gusto kong sagutin mo ako nang totoo.” Sumagot ang babae, “Sige po, Mahal na Hari.”
19. Nagtanong ang hari, “Si Joab ba ang nagturo nito sa iyo?” Sumagot ang babae, “Hindi ko po kayang magsinungaling sa inyo, Mahal na Hari. Si Joab nga po ang nag-utos sa aking gawin ito at siya rin ang nagturo sa akin kung ano ang mga dapat kong sabihin.