1. Alam ni Joab, anak ni Zeruya, na nangungulila si Haring David kay Absalom.
2. Kaya nagpatawag siya ng isang matalinong babae galing sa Tekoa. Pagdating ng babae, sinabi ni Joab sa kanya, “Magkunwari kang nagluluksa. Magsuot ka ng damit na panluksa at huwag kang magpahid ng mabangong langis. Umarte kang gaya ng isang nagluluksa ng mahabang panahon.
3. Pagkatapos, pumunta ka sa hari at sabihin mo sa kanya ang sasabihin ko sa iyo.” At sinabi ni Joab sa kanya ang dapat niyang sabihin sa hari.
4. Pumunta ang babae sa hari at nagpatirapa siya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi ng babae, “Tulungan nʼyo po ako, Mahal na Hari!”
5. Tinanong siya ng hari, “Ano ba ang problema mo?” Sumagot siya, “Isa po akong biyuda,
6. at may dalawa akong anak na lalaki. Isang araw, nag-away po silang dalawa sa bukid, at dahil walang umawat sa kanila, napatay ang isa.
7. Pinuntahan ako ng lahat ng kamag-anak ko at sinabi, ‘Ibigay mo sa amin ang anak mo, at papatayin namin siya dahil pinatay niya ang kapatid niya. Hindi siya nararapat magmana ng mga ari-arian ng kanyang ama.’ Kung gagawin nila ito, mawawala pa ang isa kong anak na siya na lang ang inaasahan kong tutulong sa akin, at mawawala na rin ang pangalan ng asawa ko rito sa mundo.”
8. Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka na, ako na ang bahala. Mag-uutos akong huwag na nilang saktan ang anak mo.”
9. Sinabi ng babae, “Mahal na Hari, kung kayo man po ay babatikusin dahil sa pagpanig nʼyo sa akin, ako po at ang aking pamilya ang mananagot at hindi kayo.”
10. Sumagot ang hari, “Kung may magbabanta sa iyo, dalhin mo siya sa akin at titiyakin kong hindi ka na niya muling gagambalain.”