20. Nang makita siya ng kapatid niyang si Absalom, tinanong siya nito, “May masamang ginawa ba sa iyo si Amnon? Kung mayroon maʼy, huwag mo na lang itong sabihin sa iba dahil kapatid mo siya sa ama. Huwag mo na lang masyadong isipin ang nangyari sa iyo.” At doon na sa bahay ni Absalom nanirahan si Tamar, pero palagi siyang malungkot at nag-iisa.
21. Nang malaman ni Haring David ang nangyari, galit na galit siya.
22. At kahit walang binanggit si Absalom kay Amnon tungkol sa ginawa nito sa kapatid niya, kinasuklaman niya ito sa kahihiyang idinulot nito sa kapatid niyang si Tamar.
23. Pagkaraan ng dalawang taon, nang pinapagupitan ni Absalom ang mga tupa niya sa Baal Hazor, malapit sa Efraim, inimbita niya ang lahat ng anak ng hari na sumama para magdiwang doon.
24. Nagpunta siya kay Haring David at sinabi, “Nagpapagupit po ako ng mga tupa, makakapunta po ba kayo at ang mga opisyal nʼyo sa okasyong ito?”
25. Sumagot ang hari, “Hindi na lang anak, mahihirapan ka lang kung sasama kaming lahat.” Pinilit siya ni Absalom pero hindi siya pumayag. Binasbasan na lang niya si Absalom.
26. Sinabi ni Absalom, “Kung hindi po kayo pupunta, si Amnon na lang na kapatid ko ang payagan nʼyong pumunta.” Nagtanong ang hari, “Bakit gusto mo siyang papuntahin doon?”
27. Sa halip na sumagot, nagpumilit pa rin si Absalom, kaya ipinasama na lang ni David si Amnon, at ang iba pa niyang mga anak na lalaki.
28. Sinabi ni Absalom sa mga tauhan niya, “Hintayin nʼyong malasing si Amnon, at pagsenyas ko, patayin nʼyo siya. Huwag kayong matakot; ako ang nag-uutos sa inyo. Lakasan nʼyo ang loob ninyo at huwag kayong magdalawang-isip!”
29. Kaya pinatay ng mga tauhan ni Absalom si Amnon ayon sa utos niya. Sumakay agad ang ibang anak na lalaki ng hari sa kani-kanilang mola at nagsitakas.
30. Habang pauwi na sila sa Jerusalem, may nakapagbalita kay David na pinagpapatay ni Absalom ang mga anak niyang lalaki at walang natira kahit isa.