1. Ang anak ni David na si Absalom ay may magandang kapatid na ang pangalan ay Tamar. Ngayon, si Amnon, na isa rin sa mga anak ni David ay umiibig kay Tamar.
2. Pero hindi niya magawa ang gusto niyang gawin kay Tamar dahil dalaga pa ito at lagi itong may bantay. Dahil dito, sumama ang loob niya hanggang sa magkasakit siya.
3. May napakatusong kaibigan si Amnon na ang pangalan ay Jonadab. Anak siya ng kapatid ni David na si Shimea.
4. Isang araw, nagtanong siya kay Amnon, “Anak ka ng hari, pero bakit araw-araw kitang nakikitang malungkot? Sabihin mo nga sa akin kung ano ang problema mo.” Sinabi ni Amnon sa kanya, “Gusto ko si Tamar, ang kapatid ni Absalom na kapatid ko sa ama.”
5. Sinabi sa kanya ni Jonadab, “Humiga ka at magkunwaring may sakit. Kapag dinalaw ka ng iyong ama, sabihin mong payagan niya si Tamar na puntahan ka at pakainin. Sabihin mo sa kanyang gusto mong makita si Tamar na naghahanda ng pagkain mo at gusto mo rin na siya ang magpakain sa iyo.”
6. Kaya humiga nga si Amnon at nagkunwaring may sakit. Nang dalawin siya ni Haring David, sinabi niya, “Gusto ko pong pumunta rito ang kapatid kong si Tamar at gumawa ng tinapay sa tabi ko, at siya ang magpakain sa akin.”
7. Kaya nagpasabi si David kay Tamar na nasa palasyo, na puntahan niya ang kapatid niyang si Amnon at maghanda ng pagkain para rito.
8. Pumunta si Tamar sa bahay ng kapatid niyang si Amnon at dinatnan niya itong nakahiga. Kumuha siya ng harina, minasa ito at niluto ang tinapay kung saan nakikita siya ni Amnon.
9. Pagkaluto, kinuha niya ito para pakainin si Amnon, pero tumanggi ito. Sinabi ni Amnon, “Palabasin mo ang lahat ng tao rito!” At lumabas ang lahat ng tao.
10. Pagkatapos, sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa aking silid ang pagkain at subuan mo ako.” Kaya dinala ni Tamar ang pagkain kay Amnon.
11. Pero habang pinapakain niya si Amnon, niyakap siya nito at sinabing magsiping sila.
12. Ngunit tumanggi si Tamar at sinabi, “Huwag mo akong piliting gawin ito! Magkapatid tayo! Huwag mong gawin sa akin ang masamang bagay na ito. Hindi ito dapat mangyari sa Israel.
13. Ano na lang ang mukhang ihaharap ko sa mga tao? At ikaw, ituturing na pinakadakilang hangal sa buong Israel. Pakiusap, kausapin mo ang hari tungkol dito; nasisiguro kong papayag siyang maging asawa mo ako.”