18. Nang ikapitong araw, namatay ang bata. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na patay na ang bata. Sinabi nila, “Paano natin sasabihin sa kanya na patay na ang bata? Hindi nga niya pinapansin ang pagdamay natin sa kanya noong buhay pa ang bata, paano pa kaya ngayong patay na ito. Baka kung ano ang gawin niya sa sarili niya!”
19. Napansin ni David na nagbubulungan ang mga alipin niya, kaya pakiramdam niya, patay na ang bata. Nagtanong siya, “Patay na ba ang bata?” Sumagot sila, “Patay na po siya.”
20. Pagkarinig nito, bumangon si David, naligo, nagpahid ng mabangong langis at nagpalit ng damit. Pumunta siya sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos, umuwi siya, nagpahain, at kumain.
21. Sinabi ng mga lingkod niya, “Hindi po namin kayo maintindihan. Noong buhay pa ang bata, nag-aayuno po kayo at umiiyak, pero ngayong patay na ang bata, bumangon kayo at kumain!”
22. Sumagot si David, “Oo, nag-ayuno ako at umiyak noong buhay pa ang bata dahil iniisip ko na baka kaawaan ako ng Panginoon at hindi niya payagang mamatay ang bata.
23. Pero ngayong patay na ang bata, bakit pa ako mag-aayuno? Mabubuhay ko pa ba siya? Darating ang panahon na makakapunta ako sa kinaroroonan niya, pero hindi na siya makakabalik sa akin.”
24. Dinamayan ni David ang asawa niyang si Batsheba, at nagsiping sila. Nabuntis si Batsheba at nanganak ng isang lalaki, at pinangalanan nila siyang Solomon. Minahal ng Panginoon ang bata,
25. at nagpadala siya ng mensahe kay Propeta Natan na pangalanang Jedidia ang bata dahil mahal siya ng Panginoon.
26. Sa kabilang dako, sumalakay sina Joab sa Rabba, ang kabisera ng Ammon, at malapit na nila itong masakop.
27. Nagsugo si Joab ng mga mensahero kay David para sabihin, “Sinalakay po namin ang Rabba at nasakop na namin ang imbakan nila ng tubig.
28. Ngayon, tipunin nʼyo po ang mga natitirang sundalo at tapusin na ninyo ang pagsakop sa lungsod para kayo ang maparangalan at hindi ako.”