2 Samuel 11:4-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Ipinasundo ni David si Batsheba at nang dumating ito, sinipingan siya ni David. (Katatapos pa lang noon ni Batsheba ng seremonya ng paglilinis dahil sa buwanan niyang dalaw.) Pagkatapos nilang magsiping, umuwi siya.

5. Nabuntis siya, at ipinaalam niya ito kay David.

6. Nagpadala si David ng mensahe kay Joab na papuntahin sa kanya si Uria na Heteo. Kaya pinapunta ni Joab si Uria kay David.

7. Pagdating ni Uria, tinanong siya ni David kung ano na ang kalagayan ni Joab at ng mga sundalo sa kanilang pakikipaglaban.

8. Pagkatapos, sinabi ni David sa kanya, “Umuwi ka muna at magpahinga.” Kaya umalis si Uria sa palasyo, at pinadalhan siya ni David ng mga regalo sa bahay niya.

9. Pero hindi umuwi si Uria sa kanila kundi roon siya natulog sa pintuan ng palasyo kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David.

10. Nang malaman ni David na hindi umuwi si Uria, ipinatawag niya ito, at tinanong, “Bakit hindi ka umuwi? Matagal kang nawala sa inyo.”

11. Sinabi ni Uria, “Ang Kahon ng Kasunduan ng Dios at ang mga sundalo ng Israel at Juda ay naroon po sa mga kampo sa kapatagan, at nandoon din ang pinuno naming si Joab at ang mga opisyal niya. Maaatim ko po bang umuwi sa amin para kumain, uminom at sumiping sa asawa ko? Isinusumpa ko na hinding-hindi ko ito gagawin!”

12. Sinabi sa kanya ni David, “Manatili ka pa rito ng isang gabi, at bukas pababalikin na kita sa kampo.” Kaya nanatili pa si Uria sa Jerusalem ng araw na iyon. Kinabukasan,

13. inanyayahan siya ni David na kumain at uminom kasama niya. At nilasing siya ni David. Pero nang gabing iyon, hindi pa rin umuwi si Uria kundi roon ulit siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David.

14. Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Uria.

15. Ito ang isinulat niya: “Ilagay mo si Uria sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay.”

16. Kaya habang pinaliligiran nila ang Rabba, inilagay ni Joab si Uria sa lugar kung saan alam niyang malalakas ang mga kalaban.

17. Sinalakay ng mga kalaban sina Joab at napatay si Uria na Heteo kasama ng iba pang mga sundalo ni David.

18. Nagpadala si Joab ng balita kay David tungkol sa lahat ng nangyari sa labanan.

19. Sinabi niya sa mensahero, “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang nangyari sa labanan,

20. maaaring magalit siya at tanungin ka, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lungsod habang nakikipaglaban? Hindi nʼyo ba naiisip na maaari nila kayong mapana mula sa pader?

21. Hindi ba ninyo naaalala kung paano namatay si Abimelec na anak ni Jerub Beshet sa Tebez? Hindi baʼt hinulugan siya ng isang babae ng gilingang bato mula sa itaas ng pader, at namatay siya? Bakit lumapit kayo sa pader?’ Kung magtatanong siya nang ganito, sabihin mo sa kanya, ‘Namatay din po ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.’ ”

2 Samuel 11