16. Kaya habang pinaliligiran nila ang Rabba, inilagay ni Joab si Uria sa lugar kung saan alam niyang malalakas ang mga kalaban.
17. Sinalakay ng mga kalaban sina Joab at napatay si Uria na Heteo kasama ng iba pang mga sundalo ni David.
18. Nagpadala si Joab ng balita kay David tungkol sa lahat ng nangyari sa labanan.
19. Sinabi niya sa mensahero, “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang nangyari sa labanan,
20. maaaring magalit siya at tanungin ka, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lungsod habang nakikipaglaban? Hindi nʼyo ba naiisip na maaari nila kayong mapana mula sa pader?
21. Hindi ba ninyo naaalala kung paano namatay si Abimelec na anak ni Jerub Beshet sa Tebez? Hindi baʼt hinulugan siya ng isang babae ng gilingang bato mula sa itaas ng pader, at namatay siya? Bakit lumapit kayo sa pader?’ Kung magtatanong siya nang ganito, sabihin mo sa kanya, ‘Namatay din po ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.’ ”
22. Lumakad ang mensahero, at pagdating niya kay David sinabi niya rito ang lahat ng ipinapasabi ni Joab.
23. Sinabi niya kay David, “Sinalakay po kami ng mga kalaban sa kapatagan, pero hinabol po namin sila pabalik sa pintuan ng lungsod nila.
24. Pagkatapos, pinana po kami ng mga mamamana na nandoon sa pader at napatay po ang ilan sa mga sundalo nʼyo pati na ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.”
25. Sinabi ni David sa mensahero, “Sabihin mo kay Joab na huwag ikalungkot ang nangyari, dahil hindi natin masasabi kung sino ang mamamatay sa labanan. Sabihin mo sa kanya na lakasan niya ang loob niya, at pagbutihin pa niya ang pagsalakay sa lungsod hanggang sa maibagsak ito.”
26. Nang malaman ni Batsheba na napatay ang asawa niyang si Uria, nagluksa siya.
27. Pagkatapos ng pagluluksa, ipinasundo siya ni David at dinala sa palasyo. Naging asawa siya ni David at hindi nagtagal, nanganak siya ng isang lalaki. Pero ang ginawa ni David ay masama sa paningin ng Panginoon.