2 Samuel 11:13-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. inanyayahan siya ni David na kumain at uminom kasama niya. At nilasing siya ni David. Pero nang gabing iyon, hindi pa rin umuwi si Uria kundi roon ulit siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang amo na si David.

14. Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala niya ito kay Uria.

15. Ito ang isinulat niya: “Ilagay mo si Uria sa unahan ng labanan, kung saan matindi ang labanan. Pagkatapos, umatras kayo upang siya ay matamaan at mamatay.”

16. Kaya habang pinaliligiran nila ang Rabba, inilagay ni Joab si Uria sa lugar kung saan alam niyang malalakas ang mga kalaban.

17. Sinalakay ng mga kalaban sina Joab at napatay si Uria na Heteo kasama ng iba pang mga sundalo ni David.

18. Nagpadala si Joab ng balita kay David tungkol sa lahat ng nangyari sa labanan.

19. Sinabi niya sa mensahero, “Pagkatapos mong sabihin sa hari ang nangyari sa labanan,

20. maaaring magalit siya at tanungin ka, ‘Bakit masyado kayong lumapit sa lungsod habang nakikipaglaban? Hindi nʼyo ba naiisip na maaari nila kayong mapana mula sa pader?

21. Hindi ba ninyo naaalala kung paano namatay si Abimelec na anak ni Jerub Beshet sa Tebez? Hindi baʼt hinulugan siya ng isang babae ng gilingang bato mula sa itaas ng pader, at namatay siya? Bakit lumapit kayo sa pader?’ Kung magtatanong siya nang ganito, sabihin mo sa kanya, ‘Namatay din po ang lingkod ninyong si Uria na Heteo.’ ”

22. Lumakad ang mensahero, at pagdating niya kay David sinabi niya rito ang lahat ng ipinapasabi ni Joab.

2 Samuel 11