2 Samuel 1:5-14 Ang Salita ng Dios (ASND)

5. Nagtanong si David sa binata, “Paano mo nalamang patay na sina Saul at Jonatan?”

6. Ikinuwento ng binata ang nangyari, “Nagkataon na nandoon po ako sa Bundok ng Gilboa, at nakita ko roon si Saul na nakasandal sa sibat niya. Palapit na po sa kanya ang mga kalaban na nakasakay sa mga karwahe at kabayo.

7. Nang lumingon siya, nakita niya ako at tinawag niya ako. Sumagot ako, ‘Ano po ang maitutulong ko?’

8. Tinanong niya kung sino ako. Sumagot ako na isa akong Amalekita.

9. Pagkatapos, nakiusap siya sa akin, ‘Lumapit ka rito at patayin mo ako, tapusin mo na ang paghihirap ko. Gusto ko nang mamatay dahil hirap na ako sa kalagayan ko.’

10. Kaya nilapitan ko siya at pinatay dahil alam kong hindi na rin siya mabubuhay sa grabeng sugat na natamo niya. Pagkatapos, kinuha ko po ang korona sa ulo niya at pulseras sa kamay niya, at dinala ko po rito sa inyo.”

11. Nang marinig ito ni David at ng mga tauhan niya, pinunit nila ang kanilang mga damit bilang pagluluksa.

12. Umiyak at nag-ayuno sila hanggang gabi para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan, at para sa mga mamamayan ng Panginoon, ang bayan ng Israel, dahil marami ang namatay sa digmaan.

13. Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.”

14. Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?”

2 Samuel 1