13. Tinanong pa ni David ang binatang nagbalita sa kanya, “Taga-saan ka?” Sumagot siya, “Isa po akong dayuhang Amalekita na nakatira sa lupain ninyo.”
14. Nagtanong si David, “Bakit hindi ka man lang natakot na patayin ang piniling hari ng Panginoon?”
15. Pagkatapos, tinawag ni David ang isa sa mga tauhan niya at inutusan, “Patayin mo ang taong ito!” Pinatay nga ng tauhan niya ang tao.
16. Sinabi ni David, “Ikaw ang dapat sisihin sa kamatayan mo. Ikaw na mismo ang tumestigo laban sa sarili mo nang sabihin mong pinatay mo ang piniling hari ng Panginoon.”
17. Gumawa si David ng isang awit para kay Saul at sa anak nitong si Jonatan,
18. at iniutos niyang ituro ito sa mga mamamayan ng Juda. Tinawag itong Awit Tungkol sa Pana at nakasulat ito sa Aklat ni Jashar. Ito ang panaghoy niya:
19. “O Israel, ang mga dakilang mandirigma moʼy namatay sa kabundukan mismo ng Israel.Napatay din ang mga magigiting mong sundalo.
20. Huwag itong ipaalam sa Gat, o sa mga lansangan ng Ashkelon,baka ikagalak ito ng mga babaeng Filisteo na hindi nakakakilala sa Dios.
21. O Bundok ng Gilboa, wala sanang ulan o hamog na dumating sa iyo.Wala sanang tumubong pananim sa iyong bukirin upang ihandog sa Dios.Sapagkat diyan nadungisan ng mga kaaway ang pananggalang ng magiting na si Haring Saul.At wala nang magpapahid dito ng langis upang itoʼy linisin at pakintabin.
22. Sa pamamagitan ng espada ni Saul at pana ni Jonatan, maraming magigiting na kalaban ang kanilang napatay.
23. Minahal at kinagiliwan ng mga Israelita sina Saul at Jonatan.Magkasama sila sa buhay at kamatayan. Sa digmaan, mas mabilis pa sila sa agila at mas malakas pa sa leon.
24. Mga babae ng Israel, magdalamhati kayo para kay Saul.Dahil sa kanyaʼy nakapagsuot kayo ng mga mamahaling damit at alahas na ginto.
25. Ang magigiting na sundalo ng Israel ay napatay sa labanan.Pinatay din si Jonatan sa inyong kabundukan.
26. Nagdadalamhati ako sa iyo, Jonatan kapatid ko!Mahal na mahal kita; ang pagmamahal mo sa akin ay mas higit pa sa pagmamahal ng mga babae.
27. Nangabuwal ang magigiting na sundalo ng Israel.Ang kanilang mga sandataʼy nangawala.”