2 Hari 9:4-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

4. Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead.

5. Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.”

6. Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel.

7. Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel.

8. Mauubos ang lahat ng miyembro ng pamilya ni Ahab. Papatayin ko ang lahat ng lalaki sa kanyang pamilya, alipin man o hindi.

9. Gagawin ko sa pamilya ni Ahab ang ginawa ko sa pamilya ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa pamilya ni Baasha na anak ni Ahia.

10. Si Jezebel naman ay kakainin ng mga aso sa lupain ng Jezreel at walang maglilibing sa kanya.” Binuksan ng batang propeta ang pinto at tumakbo papalayo.

11. Pagbalik ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, isa sa kanila ang nagtanong sa kanya, “May problema ba? Bakit ka pinuntahan ng baliw na iyon?” Sumagot si Jehu, “Kilala ninyo kung sino siya at kung ano ang kanyang pinagsasabi.”

12. Sumagot sila, “Hindi totoo iyan. Sabihin mo sa amin kung ano talaga ang sinabi niya.” Sinabi ni Jehu, “Ito ang sinabi niya sa akin, ‘Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ ”

13. Nang marinig ito ng mga opisyal, tinanggal nila ang mga balabal nila at inilatag sa hagdanan para kay Jehu. Pinatunog nila ang trumpeta at sumigaw, “Si Jehu na ang hari!”

14. Nagplano si Jehu na anak ni Jehoshafat at apo ni Nimsi laban kay Joram. (Nang panahong iyon, ipinagtatanggol ni Joram at ng mga taga-Israel ang Ramot Gilead laban kay Haring Hazael ng Aram.

15. Pero nasugatan si Joram sa pakikipaglaban nila sa mga Arameo kaya kinailangan niyang umuwi sa Jezreel para magpagaling.) Sinabi ni Jehu sa mga kasama niyang opisyal, “Kung gusto ninyo maging hari ako, huwag ninyong hayaang may lumabas sa lungsod para pumunta sa Jezreel at ibalita na ginawa ninyo akong hari.”

16. Sumakay agad si Jehu sa karwahe niya at pumunta sa Jezreel kung saan nagpapagaling si Joram. Si haring Ahazia ay naroon din dahil binisita niya si Joram.

17. Ngayon, nakita ng guwardya sa tore ng Jezreel si Jehu na paparating kasama ang mga sundalo nito, kaya sumigaw siya, “May paparating na mga sundalo!” Sumagot si Joram, “Magpadala ka ng mangangabayo para alamin kung kapayapaan ang sadya nila sa pagpunta rito.”

18. Kaya umalis ang mangangabayo para salubungin si Jehu at sinabi, “Gusto pong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”Sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang mangangabayo pero hindi pa siya bumabalik.”

2 Hari 9