3. Pagkatapos, kunin mo ang langis, ibuhos mo sa ulo niya at sabihin, ‘Ito ang sinasabi ng Panginoon: Pinili kitang maging hari ng Israel.’ Pagkatapos, buksan mo ang pintuan at tumakbo ka nang mabilis.”
4. Kaya pumunta ang binatang propeta sa Ramot Gilead.
5. Pagdating niya roon, nakita niyang nakaupo ang mga opisyal na mga sundalo. Sinabi niya, “May mensahe po ako para sa inyo, mahal na pinuno.” Nagtanong si Jehu, “Para kanino iyan?” Sumagot ang tao, “Para po sa inyo, mahal na pinuno.”
6. Tumayo si Jehu at pumasok sa bahay. Pagkatapos, ibinuhos ng propeta ang langis sa ulo ni Jehu at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Pinili kitang maging hari ng mga mamamayan ng Panginoon sa Israel.
7. Patayin mo ang pamilya ni Ahab na iyong amo. Sa ganitong paraan, maipaghihiganti ko ang mga propeta at ang iba pang mga lingkod ng Panginoon na pinatay ni Jezebel.