23. Pinabalik ni Joram ang kabayo niya at pinatakbo nang mabilis. Sinigawan niya si Ahazia, “Nagtraydor si Jehu sa akin!”
24. Kinuha ni Jehu ang palaso niya at pinana si Joram sa likod. Tumagos ang pana sa puso nito at humandusay ito sa loob ng karwahe.
25. Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang opisyal, “Kunin mo ang bangkay ni Joram at itapon sa bukid ni Nabot na taga-Jezreel. Naaalala mo ba noong nakasakay tayo sa karwahe sa likuran ni Ahab na kanyang ama? Ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya:
26. ‘Nakita ko kahapon ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak. At nangangako ako na parurusahan kita sa lupain mismo ni Nabot. Ako ang Panginoon ang nagsasabi nito.’ Kaya kunin mo ang katawan niya at itapon sa bukid ni Nabot ayon sa sinabi ng Panginoon.”
27. Nang makita ni Haring Ahazia ng Juda ang nangyari, tumakas siya papunta sa Bet Haggan. Hinabol siya ni Jehu na sumisigaw, “Panain din siya!” Kaya pinana nila siya sa kanyang karwahe sa daan papunta sa Gur, malapit sa Ibleam. Nakatakas siya na sugatan hanggang sa Megido, pero namatay siya roon.
28. Kinuha ng mga lingkod ni Ahazia ang bangkay niya at isinakay sa karwahe papunta sa Jerusalem. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.
29. Naging hari ng Juda si Ahazia nang ika-11 taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel.
30. Pumunta si Jehu sa Jezreel. Nang nalaman ito ni Jezebel, kinulayan ni Jezebel ng pampaganda ang kanyang mga mata, inayos ang buhok niya at dumungaw sa bintana ng palasyo.