2 Hari 9:16-29 Ang Salita ng Dios (ASND)

16. Sumakay agad si Jehu sa karwahe niya at pumunta sa Jezreel kung saan nagpapagaling si Joram. Si haring Ahazia ay naroon din dahil binisita niya si Joram.

17. Ngayon, nakita ng guwardya sa tore ng Jezreel si Jehu na paparating kasama ang mga sundalo nito, kaya sumigaw siya, “May paparating na mga sundalo!” Sumagot si Joram, “Magpadala ka ng mangangabayo para alamin kung kapayapaan ang sadya nila sa pagpunta rito.”

18. Kaya umalis ang mangangabayo para salubungin si Jehu at sinabi, “Gusto pong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”Sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang mangangabayo pero hindi pa siya bumabalik.”

19. Kaya muling nagpadala ang hari ng isang mangangabayo. Pagdating niya kina Jehu sinabi niya, “Gustong malaman ng hari kung kapayapaan ang sadya ninyo rito.” Sumagot si Jehu, “Wala ka nang pakialam doon! Sumunod ka sa akin!”

20. Muling sumigaw ang guwardya sa hari, “Nakarating na po sa kanila ang ikalawang mangangabayo, pero hindi pa siya bumabalik! Sobrang bilis magpatakbo ng karwahe ng kanilang pinuno; parang si Jehu na apo ni Nimsi!”

21. Sinabi ni Joram, “Ihanda mo ang karwahe ko.” Nang maihanda na, umalis sina Haring Joram ng Israel at Haring Ahazia ng Juda, para salubungin si Jehu. Nakasakay sila sa kani-kanilang karwahe. Nagkita sila ni Jehu sa lupain ni Nabot na taga-Jezreel.

22. Pagkakita ni Joram kay Jehu, tinanong niya ito, “Kapayapaan ba ang sadya mo rito, Jehu?” Sumagot si Jehu, “Kahit kailan hindi magkakaroon ng kapayapaan hanggaʼt may pagsamba sa dios-diosan sa pamamagitan ng prostitusyon at pangkukulam na inumpisahan ng iyong ina na si Jezebel.”

23. Pinabalik ni Joram ang kabayo niya at pinatakbo nang mabilis. Sinigawan niya si Ahazia, “Nagtraydor si Jehu sa akin!”

24. Kinuha ni Jehu ang palaso niya at pinana si Joram sa likod. Tumagos ang pana sa puso nito at humandusay ito sa loob ng karwahe.

25. Sinabi ni Jehu kay Bidkar na kanyang opisyal, “Kunin mo ang bangkay ni Joram at itapon sa bukid ni Nabot na taga-Jezreel. Naaalala mo ba noong nakasakay tayo sa karwahe sa likuran ni Ahab na kanyang ama? Ito ang sinabi ng Panginoon laban sa kanya:

26. ‘Nakita ko kahapon ang pagkamatay ni Nabot at ng kanyang mga anak. At nangangako ako na parurusahan kita sa lupain mismo ni Nabot. Ako ang Panginoon ang nagsasabi nito.’ Kaya kunin mo ang katawan niya at itapon sa bukid ni Nabot ayon sa sinabi ng Panginoon.”

27. Nang makita ni Haring Ahazia ng Juda ang nangyari, tumakas siya papunta sa Bet Haggan. Hinabol siya ni Jehu na sumisigaw, “Panain din siya!” Kaya pinana nila siya sa kanyang karwahe sa daan papunta sa Gur, malapit sa Ibleam. Nakatakas siya na sugatan hanggang sa Megido, pero namatay siya roon.

28. Kinuha ng mga lingkod ni Ahazia ang bangkay niya at isinakay sa karwahe papunta sa Jerusalem. Inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David.

29. Naging hari ng Juda si Ahazia nang ika-11 taon ng paghahari ni Joram na anak ni Ahab sa Israel.

2 Hari 9