2 Hari 8:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Kinausap ni Eliseo ang ina ng batang lalaki na kanyang binuhay, “Dalhin mo ang iyong pamilya at manirahan kayo sa ibang lugar dahil nagpadala ang Panginoon ng taggutom sa Israel na tatagal ng pitong taon.”

2. Kaya sinunod ng babae ang sinabi sa kanya ng lingkod ng Dios. Umalis siya at ang pamilya niya, at nanirahan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.

3. Pagkatapos ng pitong taon, bumalik siya sa Israel at pumunta sa hari para magmakaawa na ibalik sa kanya ang bahay at lupa niya.

4. Habang pumapasok siya, nakikipag-usap ang hari kay Gehazi na katulong ni Eliseo. Sinabi ng hari, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng kamangha-manghang bagay na ginawa ni Eliseo.”

5. Habang ikinukwento ni Gehazi sa hari kung paano binuhay ni Eliseo ang isang batang namatay, lumapit sa hari ang ina ng bata at nagmakaawa na maibalik ang bahay at lupa niya. Sinabi ni Gehazi, “Mahal na Hari, ito po ang babae at ang anak niyang binuhay ni Eliseo.”

6. Tinanong ng hari ang babae kung totoo ba ang tungkol doon at sinabi ng babae na totoo iyon. Kaya nagpatawag ang hari ng isang opisyal para tulungan ang babae. Sinabi niya sa opisyal, “Tulungan mo siyang maibalik ang lahat ng nawala sa kanya, kasama ang lahat ng perang dapat kinita niya na galing sa bukid niya mula nang siyaʼy umalis hanggang ngayon.”

7. Pumunta si Eliseo sa Damascus, kung saan naroon ang may sakit na si Ben Hadad na hari ng Aram. Nang mabalitaan ng hari na dumating ang lingkod ng Dios,

8. sinabi niya kay Hazael, “Magdala ka ng regalo at salubungin mo ang lingkod ng Dios. Sabihin mo sa kanya na tanungin ang Panginoon kung gagaling pa ako sa aking sakit.”

9. Kaya pumunta si Hazael kay Eliseo na may dalang 40 kamelyo na kinargahan ng pinakamagandang produkto ng Damascus bilang regalo. Pagdating niya kay Eliseo, sinabi niya, “Inutusan po ako ng lingkod ninyong si Haring Ben Hadad ng Aram, para tanungin kayo kung gagaling pa siya sa sakit niya.”

10. Sumagot si Eliseo, “Sabihin mo sa kanya na siguradong gagaling siya, pero sinabi sa akin ng Panginoon na tiyak na mamamatay siya.”

11. Tinitigan niyang mabuti si Hazael hanggang sa nahiya ito. Pagkatapos, umiyak si Eliseo.

2 Hari 8