14. Kaya naghanda sila ng dalawang karwahe na may mga kabayo at nagpadala ang hari ng mga tao para alamin kung ano talaga ang nangyari sa mga sundalo ng Aram.
15. Nakaabot sila hanggang sa Ilog ng Jordan, at nakita nila sa daan ang mga damit at mga kagamitan na itinapon ng mga Arameo sa pagmamadaling makatakas. Bumalik ang mga inutusan at ibinalita ito sa hari.
16. Pagkatapos, lumabas ang mga tao sa bayan at kinuha nila ang mga mahahalagang bagay na naiwan sa kampo ng mga Arameo. Nangyari ang sinabi ng Panginoon na magiging isang pirasong pilak lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal na sebada.
17. Pinili ng hari ang pinagkakatiwalaan niyang opisyal para magbantay sa pintuan ng lungsod. Nang magtakbuhan ang mga tao, natumba ang opisyal at natapak-tapakan siya ng mga tao roon sa pintuan, at namatay siya ayon sa sinabi ni Eliseo na lingkod ng Dios nang pumunta ang hari sa kanya.
18. Nangyari rin ang sinabi ng lingkod ng Dios sa hari, “Bukas, sa ganito ring oras, magiging mura ang bilihin sa pamilihan ng Samaria. Isang pirasong pilak na lang ang halaga ng isang takal ng harina at ganoon din ang halaga ng dalawang takal ng sebada.”