9. Kaya umalis si Naaman sakay ng mga kabayo at karwahe niya at huminto sa pintuan ng bahay ni Eliseo.
10. Nagsugo si Eliseo ng mensahero para sabihin kay Naaman na pumunta siya sa Ilog ng Jordan, lumubog doon ng pitong beses at gagaling siya.
11. Pero nagalit si Naaman at umalis nang padabog. Sinabi niya, “Akala ko, talagang lalabas siya at haharap sa akin. Iniisip ko na tatawagin niya ang Panginoon niyang Dios, at ikukumpas ang kanyang kamay sa ibabaw ng aking balat at pagagalingin ako.
12. Ang mga ilog ng Abana at Farpar sa Damascus ay mas mabuti kaysa sa ibang mga ilog dito sa Israel. Bakit hindi na lang ako roon lumubog para gumaling?” Kaya umalis siyang galit na galit.
13. Pero lumapit ang mga utusan niya at sinabi, “Amo, kung may ipinapagawa po sa inyo na malaking bagay ang propeta, hindi ba gagawin ninyo ito? Pero bakit hindi ninyo magawa ang sinabi niya na maghugas at gagaling kayo.”
14. Kaya pumunta si Naaman sa Ilog ng Jordan at lumubog ng pitong beses, ayon sa sinabi ng lingkod ng Dios. Gumaling nga ang kanyang sakit at kuminis ang kanyang balat gaya ng balat ng sanggol.
15. Pagkatapos, bumalik si Naaman at ang mga kasama niya sa lingkod ng Dios. Tumayo siya sa harap ni Eliseo at sinabi, “Ngayon, napatunayan ko na wala nang ibang Dios sa buong mundo maliban sa Dios ng Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalo ko sa iyo, Ginoo.”
16. Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na aking pinaglilingkuran, na hindi ako tatanggap ng anumang regalo.” Pinilit siya ni Naaman na tanggapin ang regalo, pero tumanggi siya.
17. Sinabi ni Naaman, “Kung hindi mo tatanggapin ang regalo ko, bigyan mo na lang po ako ng lupa na kayang dalhin ng aking dalawang mola at dadalhin ko sa amin. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa ibang dios maliban sa Panginoon.
18. Pero patawarin sana ako ng Panginoon kapag sumama ako sa hari na pumunta sa templo ng dios na si Remon para sumamba. Dapat lang na gawin ko ito bilang opisyal ng hari. Patawarin sana ako ng Panginoon kung luluhod din ako roon.”
19. Sinabi ni Eliseo, “Umalis ka nang payapa.”Pero hindi pa nakakalayo si Naaman,