2 Hari 5:15-27 Ang Salita ng Dios (ASND)

15. Pagkatapos, bumalik si Naaman at ang mga kasama niya sa lingkod ng Dios. Tumayo siya sa harap ni Eliseo at sinabi, “Ngayon, napatunayan ko na wala nang ibang Dios sa buong mundo maliban sa Dios ng Israel. Kaya pakiusap, tanggapin mo ang regalo ko sa iyo, Ginoo.”

16. Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na aking pinaglilingkuran, na hindi ako tatanggap ng anumang regalo.” Pinilit siya ni Naaman na tanggapin ang regalo, pero tumanggi siya.

17. Sinabi ni Naaman, “Kung hindi mo tatanggapin ang regalo ko, bigyan mo na lang po ako ng lupa na kayang dalhin ng aking dalawang mola at dadalhin ko sa amin. Mula ngayon, hindi na ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog at iba pang mga handog sa ibang dios maliban sa Panginoon.

18. Pero patawarin sana ako ng Panginoon kapag sumama ako sa hari na pumunta sa templo ng dios na si Remon para sumamba. Dapat lang na gawin ko ito bilang opisyal ng hari. Patawarin sana ako ng Panginoon kung luluhod din ako roon.”

19. Sinabi ni Eliseo, “Umalis ka nang payapa.”Pero hindi pa nakakalayo si Naaman,

20. sinabi ni Gehazi sa sarili niya, “Hindi dapat hinayaan ng aking amo na paalisin ang Arameong si Naaman nang hindi tinatanggap ang regalong dala niya. Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon na hahabulin ko siya at kukuha ako ng kahit ano sa kanya.”

21. Kaya nagmamadaling hinabol ni Gehazi si Naaman. Nang makita ni Naaman si Gehazi na tumatakbo papunta sa kanya, bumaba siya sa karwahe at sinalubong ito. Nagtanong si Naaman, “May masama bang nangyari?”

22. Sumagot si Gehazi, “Wala naman po. Isinugo po ako ng aking amo para sabihin sa inyo na may dumating na dalawang binatang propeta mula sa kaburulan ng Efraim. Pakibigyan ninyo sila ng 35 kilong pilak at dalawang pirasong damit.”

23. Sinabi ni Naaman, “Oo, narito ang 70 kilong pilak.” At pinilit niya si Gehazi na tanggapin iyon. Ipinasok ni Naaman ang pilak sa dalawang sisidlan kasama ang dalawang pirasong damit, ibinigay ito sa dalawa niyang lingkod at dinala kay Gehazi.

24. Pagdating ng mga lingkod sa bundok, kinuha ni Gehazi ang dalawang sisidlan at pinabalik sila. Pagkatapos, dinala niya iyon sa bahay niya at itinago.

25. Nang pumunta siya kay Eliseo, tinanong siya nito, “Saan ka nanggaling, Gehazi?” Sumagot si Gehazi, “Wala po akong pinuntahan.”

26. Pero sinabi ni Eliseo, “Hindi mo ba alam na ang espiritu ko ay naroon, nang bumaba si Naaman sa karwahe niya para salubungin ka? Hindi ito ang oras para tumanggap ng pera, damit, taniman ng olibo, ubasan, mga baka, tupa, at mga utusan.

27. Dahil sa ginawa mong ito, malilipat sa iyo ang malubhang sakit sa balat ni Naaman at sa mga lahi mo magpakailanman.” Nang umalis na si Gehazi, nagkaroon nga siya ng mapanganib na sakit sa balat at naging kasingputi ng niyebe ang balat niya.

2 Hari 5