5. Kaya ginawa ng babae ang iniutos ni Eliseo sa kanya, at isinara nila ang pinto ng bahay nila. Pagkatapos, dinala sa kanya ng mga anak niya ang mga sisidlan, at nilagyan niya ito ng langis.
6. Nang mapuno na ang lahat ng sisidlan, sinabi niya sa isa sa kanyang mga anak, “Bigyan mo pa ako ng sisidlan.” Sumagot ang anak niya, “Wala na pong sisidlan.” At tumigil na ang pag-agos ng langis.
7. Pumunta ang babae kay Eliseo na lingkod ng Dios at sinabi niya ang nangyari sa kanya. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Umalis ka at ipagbili ang langis, at bayaran mo ang utang mo. May matitira ka pang sapat na pera para mabuhay kayo ng mga anak mo.”
8. Isang araw, pumunta si Eliseo sa Shunem. May mayamang babae roon na nag-imbita kay Eliseo na kumain. Simula noon, kapag dumaraan si Eliseo sa Shunem, dumadaan siya sa bahay ng babae at kumakain.
9. Ngayon, nagsabi ang babae sa asawa niya, “Nalalaman ko na isang banal na lingkod ng Dios ang taong ito na palaging dumadaan dito sa atin.
10. Igawa natin siya ng maliit na kwarto sa may bubungan, at lagyan natin ito ng higaan, mesa, upuan at ilawan, para kapag pupunta siya rito sa atin ay may matuluyan siya.”
11. Isang araw, nang pumunta si Eliseo sa Shunem, umakyat siya sa kwarto at nagpahinga.
12. Inutusan niya ang katulong niyang si Gehazi na tawagin ang babae. Kaya tinawag ni Gehazi ang babae. Pagdating ng babae,
13. sinabi ni Eliseo sa katulong niya, “Dahil sa mabuting pag-aaruga niya sa atin, tanungin mo siya kung ano ang magagawa natin para sa kanya. Gusto ba niyang kausapin ko ang hari o ang kumander ng mga sundalo para sa kanya?” Sumagot ang babae, “Hindi na po kailangan, mabuti naman po ang kalagayan ko kasama ng aking mga kababayan.”
14. Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.”
15. Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan.
16. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” Sumagot ang babae, “Huwag naman po sana ninyo akong paasahin. Lingkod po kayo ng Dios.”
17. At nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo.
18. At lumaki na ang bata. Isang araw pumunta siya sa kanyang ama na nagtatrabaho sa bukid kasama ng mga gumagapas.
19. Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!”
20. Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay.