28. Sinabi ng babae, “Ginoo, hindi ako humingi sa inyo ng anak na lalaki, kayo mismo ang nagsabing magkakaanak ako. Sinabi ko pa nga sa inyo na huwag ninyo akong paasahin.”
29. Nang napagtanto ni Eliseo na may nangyari sa bata, sinabi niya kay Gehazi, “Maghanda ka sa pagpunta sa bahay niya. Dalhin mo ang tungkod ko at magmadali ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong pansinin. Kung may babati sa iyo huwag mo nang sagutin. Pagdating mo, ilagay mo agad ang tungkod ko sa mukha ng bata.”
30. Pero sinabi ng ina ng bata kay Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa inyo na hindi po ako uuwi kung hindi ko kayo kasama.” Kaya sumama sa kanya si Eliseo.
31. Nauna si Gehazi at inilagay niya ang tungkod sa mukha ng bata, pero hindi nagsalita o gumalaw ang bata. Kaya bumalik si Gehazi para salubungin si Eliseo at sinabi, “Hindi po nabuhay ang bata.”
32. Nang dumating si Eliseo sa bahay, nakita niya ang bata na nakahiga sa higaan niya.
33. Pumasok siya, isinara ang pintuan at nanalangin sa Panginoon.
34. Pagkatapos, dumapa siya sa bata, at inilapat ang bibig niya sa bibig ng bata, ang mata niya sa mata ng bata at ang kamay niya sa kamay nito. Habang nakadapa siya, unti-unting umiinit ang katawan ng bata.
35. Tumayo si Eliseo at nagpabalik-balik sa loob ng silid. Muli siyang dumapa sa bata. Sa pagkakataong iyon, bumahing ang bata ng pitong beses at dumilat.
36. Tinawag ni Eliseo si Gehazi at sinabi, “Tawagin mo ang kanyang ina.” Kaya tinawag nga niya ito. Nang dumating ang babae, sinabi ni Eliseo, “Kunin mo ang iyong anak.”
37. Nagpatirapa ang babae sa paanan ni Eliseo bilang pagpapasalamat sa kanya. Kinuha niya ang anak niya at dinala sa ibaba.
38. Mayroong taggutom sa Gilgal nang bumalik si Eliseo roon. Isang araw, habang nakikipag-usap ang grupo ng mga propeta sa kanya, sinabi niya sa katulong niya, “Isalang mo ang malaking palayok at magluto ka ng pagkain para sa mga taong ito.”
39. Pumunta sa bukid para kumuha ng mga gulay ang isa sa mga propeta. Nakakita siya roon ng gulay na gumagapang, at kumuha siya ng mga bunga nito hanggang mapuno ang damit niya. Pagkauwi, hiniwa-hiwa niya ito at inilagay sa palayok, pero hindi niya alam kung anong klaseng pananim ito.
40. Pagkaluto ng pagkain, ipinamahagi niya ito sa mga tao. Pero habang kumakain, sumigaw sila, “Lingkod ng Dios, napakasama ng lasa nito!” Kaya hindi na nila ito kinain.
41. Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng harina.” Ibinuhos niya ang harina sa palayok at sinabi sa katulong, “Ipamahagi mo na ito sa kanila para kainin.” Hindi na masama ang lasa nito.
42. Isang araw, may isang lalaking galing sa Baal Shalisha na nagdala kay Eliseo ng isang sako na may lamang 20 tinapay na gawa sa unang ani ng sebada at mga bagong aning butil. Sinabi ni Eliseo, “Ibigay mo iyan sa grupo ng mga propeta para kainin.”
43. Sinabi ng katulong niya, “Paano ko po ito mapagkakasya sa 100 tao?” Sumagot si Eliseo, “Ibigay mo ito sa kanila para kainin. Ito ang sinasabi ng Panginoon: Makakakain sila at may matitira pa.”
44. Kaya ibinigay niya ito sa kanila, at kumain sila at may natira pa, ayon sa sinabi ng Panginoon.