19. Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!”
20. Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay.
21. Iniakyat ng ina ang bangkay ng kanyang anak sa kwarto ni Eliseo at inilagay sa higaan nito. Pagkatapos, lumabas siya sa kwarto at isinara ang pinto.
22. Tinawag ng babae ang asawa niya at sinabi, “Padalhan mo ako ng isang utusan at isang asno para mabilis akong makapunta sa lingkod ng Panginoon at makabalik agad.”
23. Nagtanong ang asawa niya, “Bakit ngayon ka pupunta? Hindi naman Pista ng Pagsisimula ng Buwan o Araw ng Pamamahinga?” Sumagot ang babae, “Ayos lang iyon.”
24. Kaya nilagyan niya ng upuan ang asno at sinabi sa utusan niya, “Bilisan mo! Huwag kang titigil hanggaʼt hindi ko sinasabi.”
25. Kaya umalis sila, at nakarating sa Bundok ng Carmel kung saan naroon ang lingkod ng Dios. Nang makita ni Eliseo sa malayo na paparating ang babae, sinabi niya sa katulong niyang si Gehazi, “Tingnan mo, nandiyan ang babae na taga-Shunem!
26. Tumakbo ka at salubungin siya. Kamustahin mo siya, ang kanyang asawa, at ang anak niya.” Sinabi ng babae kay Gehazi, “Mabuti naman ang lahat.”
27. Pero pagdating niya kay Eliseo sa bundok, lumuhod siya at hinawakan ang paa ni Eliseo. Lumapit si Gehazi para hilahin ang babae palayo. Pero sinabi ni Eliseo, “Hayaan mo siya! May dinaramdam siya, pero hindi sinabi sa akin ng Panginoon kung bakit.”
28. Sinabi ng babae, “Ginoo, hindi ako humingi sa inyo ng anak na lalaki, kayo mismo ang nagsabing magkakaanak ako. Sinabi ko pa nga sa inyo na huwag ninyo akong paasahin.”
29. Nang napagtanto ni Eliseo na may nangyari sa bata, sinabi niya kay Gehazi, “Maghanda ka sa pagpunta sa bahay niya. Dalhin mo ang tungkod ko at magmadali ka. Kung may makasalubong ka, huwag mong pansinin. Kung may babati sa iyo huwag mo nang sagutin. Pagdating mo, ilagay mo agad ang tungkod ko sa mukha ng bata.”
30. Pero sinabi ng ina ng bata kay Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa inyo na hindi po ako uuwi kung hindi ko kayo kasama.” Kaya sumama sa kanya si Eliseo.