2 Hari 4:14-25 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Nagtanong si Eliseo kay Gehazi, “Ano kaya ang magagawa natin para sa kanya?” Sumagot si Gehazi, “Wala po siyang anak na lalaki at matanda na ang asawa niya.”

15. Sinabi ni Eliseo, “Tawagin mo siya ulit.” Kaya tinawag siya ni Gehazi at tumayo ang babae sa pintuan.

16. Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Sa susunod na taon, sa ganito ring panahon, may kinakalong ka nang anak na lalaki.” Sumagot ang babae, “Huwag naman po sana ninyo akong paasahin. Lingkod po kayo ng Dios.”

17. At nagbuntis nga ang babae at nanganak ng lalaki sa ganoon ding panahon nang sumunod na taon, ayon sa sinabi ni Eliseo.

18. At lumaki na ang bata. Isang araw pumunta siya sa kanyang ama na nagtatrabaho sa bukid kasama ng mga gumagapas.

19. Sinabi niya sa kanyang ama, “Masakit po ang ulo ko! Masakit po ang ulo ko!” Sinabi ng kanyang ama sa utusan, “Dalhin mo siya sa kanyang ina!”

20. Dinala nga ng utusan ang bata sa kanyang ina. Kinalong ng ina ang bata hanggang tanghali at itoʼy namatay.

21. Iniakyat ng ina ang bangkay ng kanyang anak sa kwarto ni Eliseo at inilagay sa higaan nito. Pagkatapos, lumabas siya sa kwarto at isinara ang pinto.

22. Tinawag ng babae ang asawa niya at sinabi, “Padalhan mo ako ng isang utusan at isang asno para mabilis akong makapunta sa lingkod ng Panginoon at makabalik agad.”

23. Nagtanong ang asawa niya, “Bakit ngayon ka pupunta? Hindi naman Pista ng Pagsisimula ng Buwan o Araw ng Pamamahinga?” Sumagot ang babae, “Ayos lang iyon.”

24. Kaya nilagyan niya ng upuan ang asno at sinabi sa utusan niya, “Bilisan mo! Huwag kang titigil hanggaʼt hindi ko sinasabi.”

25. Kaya umalis sila, at nakarating sa Bundok ng Carmel kung saan naroon ang lingkod ng Dios. Nang makita ni Eliseo sa malayo na paparating ang babae, sinabi niya sa katulong niyang si Gehazi, “Tingnan mo, nandiyan ang babae na taga-Shunem!

2 Hari 4