2 Hari 4:1-6 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. May isang biyuda na ang asawa ay kaanib noon sa grupo ng mga propeta. Isang araw, humingi siya ng tulong kay Eliseo. Sinabi niya, “Patay na po ang asawa ko na inyong lingkod at alam nʼyo kung gaano niya iginagalang ang Panginoon. Ngayon, ang tao po na pinagkakautangan niya ay dumating para kunin ang dalawa naming anak na lalaki upang gawing alipin bilang kabayaran sa utang.”

2. Sinabi sa kanya ni Eliseo, “Ano ang maitutulong ko sa iyo? Sabihin mo sa akin, ano ang mayroon sa bahay mo?” Sumagot ang babae, “Wala po, maliban lang sa kaunting langis sa lalagyan.”

3. Sinabi ni Eliseo, “Puntahan mo ang lahat ng kapitbahay mo at manghiram ka ng maraming sisidlan.

4. Pumasok kayo ng mga anak mo sa bahay nʼyo at isara nʼyo ang pinto. Ibuhos nʼyo ang langis sa lahat ng sisidlan. Itabi mo ang bawat sisidlan na mapupuno mo.”

5. Kaya ginawa ng babae ang iniutos ni Eliseo sa kanya, at isinara nila ang pinto ng bahay nila. Pagkatapos, dinala sa kanya ng mga anak niya ang mga sisidlan, at nilagyan niya ito ng langis.

6. Nang mapuno na ang lahat ng sisidlan, sinabi niya sa isa sa kanyang mga anak, “Bigyan mo pa ako ng sisidlan.” Sumagot ang anak niya, “Wala na pong sisidlan.” At tumigil na ang pag-agos ng langis.

2 Hari 4