13. Sinabi ni Eliseo sa hari ng Israel, “Ano ang pakialam natin sa isaʼt isa? Pumunta kayo sa mga propeta ng inyong ama at ina!” Sinabi ng hari ng Israel, “Hindi! Dahil ang Panginoon ang nagdala sa aming tatlo upang ibigay lang sa kamay ng mga Moabita.”
14. Sinabi ni Eliseo, “Nagsasabi ako ng katotohanan sa presensya ng buhay at Makapangyarihang Panginoon, na aking pinaglilingkuran, na hindi kita papansinin kung hindi lang dahil sa paggalang ko kay Haring Jehoshafat ng Juda.
15. Ngayon, dalhan nʼyo ako ng taong marunong tumugtog ng alpa.”Habang pinapatugtog ang alpa, napuspos ng kapangyarihan ng Panginoon si Eliseo,
16. at sinabi niya, “Sinabi ng Panginoon na magkakaroon ng maraming tubig sa lambak na ito.
17. Kahit na walang ulan o hangin, mapupuno pa rin ng tubig ang lambak na ito, at makakainom kayo at ang inyong mga baka at ang iba pa ninyong mga hayop.
18. Madali lang ang bagay na ito para sa Panginoon. Ibibigay din niya ang Moab sa inyong mga kamay.
19. Pupuksain ninyo ang bawat napapaderang lungsod at pangunahing bayan nila. Puputulin ninyo ang magaganda nilang puno, tatakpan ang kanilang mga bukal at sisirain ang sagana nilang bukirin sa pamamagitan ng mga bato.”
20. Kinaumagahan, sa oras ng paghahandog, umagos ang tubig mula sa Edom at napuno ng tubig ang lupa.
21. Pagkatapos, nabalitaan ng lahat ng Moabita na lulusubin sila ng mga hari. Kaya tinipon nila ang lahat ng kalalakihan, bata man o matanda, na may kakayahan sa pakikipaglaban at pinapwesto sila sa hangganan ng Moab.
22. Nang maagang bumangon ang mga Moabita, nakita nilang kasing pula ng dugo ang tubig nang masikatan ito ng araw.
23. Sinabi nila, “Dugo iyan! Siguradong naglaban-laban ang tatlong hari at nagpatayan. Kaya samsamin natin ang mga ari-arian nila!”
24. Pero pagdating ng mga Moabita sa kampo ng Israel, lumabas ang mga Israelita at nilusob sila hanggang sa silaʼy magsitakas. Sinalakay nila ang lupain ng mga Moabita at pinagpapatay sila.