2 Hari 3:1-11 Ang Salita ng Dios (ASND)

1. Naging hari ng Israel ang anak ni Ahab na si Joram nang ika-18 taon ng paghahari ni Jehoshafat sa Juda. Sa Samaria tumira si Joram, at naghari siya sa loob ng 12 taon.

2. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng kanyang ama at ina. Ipinagiba niya ang alaalang bato na ipinatayo ng kanyang ama sa pagpaparangal kay Baal.

3. Pero ginawa rin niya ang mga kasalanang ginawa ni Jeroboam na anak ni Nebat at ito ang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.

4. Si Haring Mesha ng Moab ay nag-aalaga ng mga tupa. Taun-taon ay nagbibigay siya sa hari ng Israel ng 100,000 batang tupa at balahibo ng 100,000 lalaking tupa dahil sakop ng Israel ang bansa nila.

5. Pero pagkamatay ni Ahab, nagrebelde siya sa hari ng Israel.

6. Nang panahong iyon, tinipon ni Joram ang buong Israel at umalis sila sa Samaria para lusubin ang Moab.

7. Nagpadala siya ng ganitong mensahe kay Haring Jehoshafat ng Juda: “Nagrebelde sa akin ang hari ng Moab. Sasama ka ba sa akin para makipaglaban sa kanila?” Sumagot si Jehoshafat, “Oo, sasama ako sa iyo. Handa akong sumama sa iyo at handa akong ipagamit sa iyo ang mga sundaloʼt mga kabayo ko.”

8. Nagtanong si Jehoshafat, “Saan tayo dadaan kung lulusob tayo?” Sumagot si Joram, “Sa ilang ng Edom.”

9. Kaya lumakad ang hari ng Israel, ang hari ng Juda at ang hari ng Edom. Pagkatapos ng pitong araw nilang paglalakad, naubusan ng tubig ang mga sundalo at ang mga hayop nila.

10. Sinabi ng hari ng Israel, “Ano ang gagawin natin? Ipinatawag ba tayong tatlo ng Panginoon para ibigay lang sa kamay ng hari ng Moab?”

11. Kaya nagtanong si Jehoshafat, “Wala bang propeta ng Panginoon dito para makapagtanong tayo sa Panginoon sa pamamagitan niya?” Sumagot ang isang opisyal ng hari ng Israel, “Si Eliseo na anak ni Shafat ay nandito. Dati siyang lingkod ni Elias.”

2 Hari 3