20. Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,
21. na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.
22. Pinili ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan bilang gobernador ng mga naiwang tao sa Juda.
23. Nang marinig ito ng mga opisyal ng Juda at ng mga tauhan nila, pumunta sila kay Gedalia sa Mizpa. Sila ay sina Ishmael na anak ni Netania, Johanan na anak ni Karea, Seraya na anak ni Tanhumet na taga-Netofa, Jaazania na taga-Maaca, at ang kanilang mga tauhan.
24. Nanumpa si Gedalia sa kanila at sa mga tauhan nila, “Huwag kayong matakot sa mga opisyal ng Babilonia. Manirahan lang kayo rito at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia at walang mangyayari sa inyo.”
25. Pero, nang ikapitong buwan nang taon na iyon, si Ishmael na anak ni Netania at apo ni Elishama, na miyembro ng sambahayan ng hari ay pumunta sa Mizpa. Kasama ang sampung tao, pinatay nila si Gedalia at ang mga kasama nitong taga-Juda at taga-Babilonia.
26. Dahil dito, lahat ng tao sa Juda mula sa pinakatanyag hanggang sa pinakamababa, pati ang mga opisyal ng mga sundalo ay tumakas papuntang Egipto dahil natakot sila sa maaaring gawin sa kanila ng mga taga-Babilonia.
27. Noong ika-37 taon ng pagkabihag ni Haring Jehoyakin ng Juda, naging hari ng Babilonia si Evil Merodac. Pinalaya niya si Jehoyakin nang ika-27 araw ng ika-12 buwan ng taong ding iyon.
28. Mabait siya kay Jehoyakin at pinarangalan niya ito higit sa ibang mga hari na binihag din sa Babilonia.
29. Kaya hindi na nagsuot si Jehoyakin ng damit na para sa mga bilanggo, at mula noon ay kumakain na siya kasama ng hari.
30. Araw-araw siyang binibigyan ng hari ng mga pangangailangan niya habang siyaʼy nabubuhay.