2 Hari 25:13-21 Ang Salita ng Dios (ASND)

13. Sinira ng mga taga-Babilonia ang mga kagamitan sa templo ng Panginoon: ang mga haliging tanso, mga karitong ginagamit sa pag-iigib, at ang malaking lalagyan ng tubig na tanso na tinatawag nilang Dagat. At dinala nila ang mga tanso sa Babilonia.

14. Kinuha rin nila ang mga kawali, mga pala, mga panggupit ng mitsa ng ilaw, mga mangkok at ang iba pang tanso na ginagamit sa templo.

15. Kinuha rin ni Nebuzaradan ang mga lalagyan ng baga, mga mangkok at ang iba pang mga gamit na ginto at pilak.

16. Hindi matimbang ang mga tanso na mula sa dalawang haligi, sa malaking lalagyan ng tubig na tinatawag na Dagat, at sa mga kariton na ginagamit sa pag-iigib ng tubig. Ito ang mga bagay na ipinagawa noon ni Solomon para sa templo ng Panginoon.

17. Ang bawat haligi ay may taas na 27 talampakan. Ang dalawang tanso na ulo ng bawat haligi ay may taas na apat at kalahating talampakan. Pinaikutan ito ng mga kadenang dugtong-dugtong at napapalibutan ng dekorasyong tanso, na hugis prutas na pomegranata.

18. Binihag din ni Nebuzaradan ang punong pari na si Seraya, si Zefanias na sumunod sa posisyon ni Seraya at ang tatlong guwardya ng pintuan ng templo.

19. Ito pa ang mga nakita niya at dinalang bihag mula sa lungsod: ang opisyal ng mga sundalo ng Juda, ang limang tagapamahala ng hari, ang kumander na kumukuha at nagsasanay ng mga taong magiging sundalo at ang 60 pang mamamayan doon.

20. Dinala silang lahat ni Nebuzaradan sa hari ng Babilonia na nasa Ribla,

21. na sakop ng Hamat. At doon sila pinatay ng hari. Kaya ang mga mamamayan ng Juda ay binihag at dinala papalayo sa lupain nila.

2 Hari 25