2 Hari 23:31-37 Ang Salita ng Dios (ASND)

31. Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias.

32. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.

33. Ibinilanggo siya ni Faraon Neco sa Ribla na sakop ng lupain ng Hamat, para hindi siya maghari sa Jerusalem. Pinagbayad ni Neco ang Juda ng 3,500 kilong pilak at 35 kilong ginto bilang buwis.

34. Si Eliakim na isa pang anak ni Josia ang ipinalit na hari ni Neco. Pinalitan ni Neco ang pangalan ni Eliakim na Jehoyakim. Si Jehoahaz naman ay dinala ni Neco sa Egipto at doon ito namatay.

35. Pinagbayad ng buwis ni Haring Jehoyakim ang mga taga-Juda ayon sa kayamanan nila, para ipambayad sa buwis na hinihingi ni Faraon Neco.

36. Si Jehoyakim ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 11 taon. Ang ina niya ay si Zebida na taga-Ruma at anak ni Pedaya.

37. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng mga ninuno niya.

2 Hari 23