3. Pagkatapos, tumayo si Josia sa gilid ng haligi. At gumawa siya ng kasunduan sa presensya ng Panginoon na susunod siya sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtupad sa kanyang mga utos, katuruan, at tuntunin nang buong pusoʼt kaluluwa. Sa ganitong paraan matutupad ang mga ipinapatupad na kasunduan ng Dios na nasusulat sa aklat na ito. At nangako rin ang mga tao na tutupad sila sa kasunduan.
4. Pagkatapos, inutusan ni Haring Josia ang punong pari na si Hilkia, ang mga paring pumapangalawa sa katungkulan ni Hilkia at ang mga paring nagbabantay sa pintuan ng templo, na alisin sa templo ng Panginoon ang lahat ng kagamitan na ginagamit sa pagsamba kina Baal, Ashera, at sa lahat ng bagay na nasa langit. Ipinasunog niya ito sa labas ng Jerusalem, sa bukid ng Lambak ng Kidron, at dinala ang abo sa Betel.
5. Pinaalis niya sa tungkulin ang mga paring naglilingkod sa mga dios-diosan. Ang mga paring ito ay pinagkakatiwalaan ng mga hari ng Juda sa pagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar doon sa mga bayan ng Juda at sa paligid ng Jerusalem. Nagsunog sila ng mga insenso para kay Baal at sa mga nasa langit – sa araw, buwan at mga bituin.
6. Pinaalis din ni Haring Josia ang posteng simbolo ng diyosang si Ashera sa templo ng Panginoon at dinala sa labas ng Jerusalem, sa Lambak ng Kidron, at sinunog doon. Pagkatapos, ipinadurog niya ito nang pino at isinabog ang abo sa libingan ng mga tao.
7. Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.
8. Pinabalik ni Josia sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beersheba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod.
9. Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10. Ipinagiba rin ni Josia ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben Hinom, para walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec.
11. Kinuha rin niya sa pintuan ng templo ng Panginoon ang mga kabayo na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng templo, malapit sa kwarto ng opisyal na si Natan Melec. Sinunog din ni Josia ang mga karwahe na inihahandog sa araw.
12. Ipinagiba niya ang mga altar na ipinatayo ng mga hari ng Juda sa bubong ng kwarto ni Ahaz, pati ang mga altar na ipinagawa ni Manase sa bakuran ng templo ng Panginoon. Ipinadurog niya ito ng pino at isinabog ang abo sa Lambak ng Kidron.
13. Dinungisan din niya ang mga sambahan sa matataas na lugar sa silangan ng Jerusalem at sa timog ng Bundok ng Kasamaan. Ang mga sambahang ito ay ipinatayo ni Haring Solomon ng Israel para kay Ashtoret, ang kasuklam-suklam na diyosa mga Sidoneo, para kay Kemosh, ang kasuklam-suklam na dios-diosan ng mga Moabita, at para rin kay Molec, ang kasuklam-suklam dios-diosan ng mga Ammonita.