23. Ipinagdiwang nila ang pista sa Jerusalem para parangalan ang Panginoon nang ika-18 taong paghahari ni Josia.
24. Pinalayas din ni Josia sa Jerusalem at sa buong Juda ang mga espiritista na nakikipag-usap sa mga kaluluwa ng patay, ang mga dios ng mga tahanan, ang iba pang mga dios-diosan at ang lahat ng kasuklam-suklam na sinasamba ng mga tao. Ginawa ito ni Josia para tuparin ang mga utos na nakasulat sa aklat na nakita ng paring si Hilkia sa templo ng Panginoon.
25. Wala pang naging hari na katulad ni Josia na sumunod sa Panginoon nang buong puso, buong kaluluwa at nang buong lakas. Tinupad niya ang lahat ng Kautusan ni Moises, at wala ni isa man ang katulad niyang manungkulan kahit ang mga sumunod sa kanya.
26. Pero kahit tinupad pa niya itong lahat, hindi pa rin nawala ang galit ng Panginoon sa Juda, dahil sa lahat ng ginawa ni Manase na nakapagpagalit sa kanya.
27. Kaya sinabi ng Panginoon, “Palalayasin ko sa aking harapan ang Juda katulad ng ginawa ko sa Israel at itatakwil ko ang Jerusalem, ang lungsod na aking pinili at ang templong ito na sinabi kong dito ako pararangalan.”
28. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Josia, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
29. Nang naghahari pa si Josia, si Faraon Neco na hari ng Egipto ay pumunta sa Ilog ng Eufrates para tulungan ang hari ng Asiria. Umalis si Haring Josia at ang mga sundalo niya para makipaglaban kay Neco, pero pinatay siya ni Neco nang magkita sila sa Megido.
30. Isinakay ng kanyang lingkod ang bangkay niya sa karwahe at dinala pabalik sa Jerusalem at inilibing sa sarili niyang libingan. At ang anak niyang si Jehoahaz ang ipinalit na hari ng mga mamamayan ng Juda sa pamamagitan ng pagpapahid sa kanya ng langis.
31. Si Jehoahaz ay 23 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng tatlong buwan. Ang ina niya ay si Hamutal na taga-Libna at anak ni Jeremias.