9. Pero ayaw makinig ng mga tao. Inudyukan sila ni Manase sa paggawa ng masasama at ang ginawa nila ay mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
10. Sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng mga lingkod niyang propeta:
11. “Gumawa si Haring Manase ng Juda ng mga kasuklam-suklam na gawain, na mas masama pa kaysa sa ginawa ng mga Ammonitang nakatira sa lupaing ito bago dumating ang mga Israelita. Inudyukan niya ang mga taga-Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng pagsamba sa mga dios-diosan niya.
12. Kaya ako, ang Panginoon na Dios ng Israel, ay magpapadala ng kapahamakan sa Jerusalem at sa Juda, at ang bawat isa na makakarinig nito ay matatakot.
13. Hahatulan ko ang Jerusalem katulad nang paghatol ko sa Samaria at sa sambahayan ni Haring Ahab. Lilinisin ko ang Jerusalem tulad ng pinggan na pinunasan at itinaob.
14. Itatakwil ko kahit pa ang natira sa aking mga mamamayan at ibibigay ko sila sa mga kaaway nila bilang bihag.
15. Mangyayari ito sa kanila dahil masama ang ginawa nila sa paningin ko at ginalit nila ako, mula pa nang lumabas ang mga ninuno nila sa Egipto hanggang ngayon.”
16. Maraming inosenteng tao ang pinatay ni Manase hanggang sa dumanak ang dugo sa mga daanan ng Jerusalem. Hindi pa kabilang dito ang kasalanan na ginawa niya na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda sa paningin ng Panginoon.