2 Hari 21:14-26 Ang Salita ng Dios (ASND)

14. Itatakwil ko kahit pa ang natira sa aking mga mamamayan at ibibigay ko sila sa mga kaaway nila bilang bihag.

15. Mangyayari ito sa kanila dahil masama ang ginawa nila sa paningin ko at ginalit nila ako, mula pa nang lumabas ang mga ninuno nila sa Egipto hanggang ngayon.”

16. Maraming inosenteng tao ang pinatay ni Manase hanggang sa dumanak ang dugo sa mga daanan ng Jerusalem. Hindi pa kabilang dito ang kasalanan na ginawa niya na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda sa paningin ng Panginoon.

17. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Manase, at lahat ng ginawa niya, pati ang mga kasalanan na ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

18. Nang mamatay si Manase, inilibing siya sa hardin ng kanyang palasyo, na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Ammon ang pumalit sa kanya bilang hari.

19. Si Ammon ay 22 taong gulang nang maging hari ng Juda. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng dalawang taon. Ang ina niya ay si Mesulemet na taga-Jotba at anak ni Haruz.

20. Masama ang ginawa ni Ammon sa paningin ng Panginoon, katulad ng ginawa ni Manase na kanyang ama.

21. Sinunod niya ang pamumuhay ng kanyang ama. Sinamba niya ang mga dios-diosan na sinasamba nito

22. at itinakwil niya ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno niya. Hindi niya sinunod ang pamamaraan ng Panginoon.

23. Nagplano ng masama ang mga opisyal ni Ammon laban sa kanya at pinatay siya sa palasyo niya.

24. Pero pinatay ng mamamayan ng Juda ang lahat ng pumatay kay Haring Ammon. At ang anak niyang si Josia ang ipinalit nila bilang hari.

25. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ammon, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.

26. Inilibing si Ammon sa libingan niya sa hardin na tinatawag na Uza. At ang anak niyang si Josia ang pumalit sa kanya bilang hari.

2 Hari 21