2 Hari 2:6-23 Ang Salita ng Dios (ASND)

6. Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Ilog ng Jordan.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad.

7. May 50 miyembro ng mga propeta na nakatayo sa unahan, at nakaharap sila sa lugar na hinintuan nina Elias at Eliseo sa ilog ng Jordan.

8. Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.

9. Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin sa iyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot si Eliseo, “Gusto kong ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”

10. Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Pero, matatanggap mo ito kung makikita mo ako habang kinukuha sa harap mo, kung hindi mo ako makikita, hindi mo matatanggap ang hinihiling mo.”

11. Habang naglalakad sila na nagkukwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.

14. Hinampas niya ang tubig ng balabal ni Elias at sinabi, “Nasaan na ang Panginoon, ang Dios ni Elias?” Nang ginawa niya iyon, nahawi ang tubig at tumawid siya.

15. Nang makita ito ng grupo ng mga propeta na galing sa Jerico, sinabi nila, “Ang kapangyarihan ni Elias ay sumasakanya.” Kaya sinalubong nila si Eliseo at yumukod sila bilang paggalang sa kanya.

16. Sinabi nila, “May kasama kaming 50 malalakas na tao. Hayaan mong hanapin nila ang guro mo. Baka dinala lang siya ng Espiritu ng Panginoon sa isang bundok o sa isang lambak.” Sumagot si Eliseo, “Huwag na ninyo silang paalisin.”

17. Pero nagpumilit sila hanggang sa nahiya na lang siya na tumanggi. Sinabi niya, “Sige, paalisin ninyo sila.” Kaya pinaalis nila ang 50 tao at sa loob ng tatlong araw ay hinanap nila si Elias, pero hindi nila ito nakita.

18. Pagbalik nila kay Eliseo, na nasa Jerico pa, sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi baʼt sinabi ko sa inyo na huwag na kayong umalis?”

19. Ang mga tao sa lungsod ng Jerico ay nagsabi kay Eliseo, “Ginoo, nakita naman po ninyo na mabuti ang kinatatayuan ng aming lugar, pero marumi ang tubig at hindi tinutubuan ng pananim ang lupa.”

20. Sinabi ni Eliseo, “Dalhan ninyo ako ng bagong mangkok at lagyan ito ng asin.” Kaya siyaʼy dinalhan nila nito.

21. Pumunta siya sa bukal at inihagis doon ang asin at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Lilinis ang tubig na ito. At mula ngayon, hindi na ito magiging sanhi ng kamatayan o hindi pagtubo ng mga pananim.”

22. Mula noon, naging malinis na ang tubig, ayon sa sinabi ni Eliseo na mangyayari.

23. Umalis si Eliseo sa Jerico at pumunta sa Betel. Habang naglalakad siya sa daan, may mga kabataan na nanggaling sa isang bayan at ininsulto siya. Sinabi nila, “Umakyat ka, panot! Umakyat ka, panot!”

2 Hari 2