1. Nang oras na kukunin na ng Panginoon si Elias para dalhin sa langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo, naglalakad sina Elias at Eliseo galing sa Gilgal.
2. Sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Betel.” Pero sinabi ni Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Betel.
3. May grupo ng mga propeta roon sa Betel na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”
4. Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Jerico.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya pumunta sila sa Jerico.
5. Muli, may grupo ng mga propeta roon sa Jerico na pumunta kay Eliseo at nagtanong, “Alam mo bang kukunin na ng Panginoon ang guro mo sa araw na ito?” Sumagot si Eliseo, “Oo, alam ko, pero huwag na nating pag-usapan.”
6. Pagkatapos, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Maiwan ka na lang dito, dahil pinapapunta ako ng Panginoon sa Ilog ng Jordan.” Sumagot si Eliseo, “Sumusumpa ako sa buhay na Panginoon at sa iyo, hindi kita iiwan.” Kaya nagpatuloy silang dalawa sa paglalakad.
7. May 50 miyembro ng mga propeta na nakatayo sa unahan, at nakaharap sila sa lugar na hinintuan nina Elias at Eliseo sa ilog ng Jordan.
8. Hinubad ni Elias ang balabal niya, inirolyo ito at inihampas sa tubig. Nahawi ang tubig at tumawid silang dalawa sa tuyong lupa.
9. Pagkatawid nila, sinabi ni Elias kay Eliseo, “Bago ako kunin sa iyo, sabihin mo sa akin kung ano ang gusto mong gawin ko para sa iyo.” Sumagot si Eliseo, “Gusto kong ipamana mo sa akin ang dobleng bahagi ng iyong kapangyarihan.”
10. Sinabi ni Elias, “Mahirap ang hinihiling mo. Pero, matatanggap mo ito kung makikita mo ako habang kinukuha sa harap mo, kung hindi mo ako makikita, hindi mo matatanggap ang hinihiling mo.”
11. Habang naglalakad sila na nagkukwentuhan, biglang may dumating na karwaheng apoy na hinihila ng mga kabayong apoy. Dumaan ito sa gitna nila na nagpahiwalay sa kanila, at biglang dinala si Elias papuntang langit sa pamamagitan ng isang ipu-ipo.