27. Pero alam ko ang lahat tungkol sa iyo,kung saan ka nananatili, kung saan ka galing, kung saan ka pupunta, at kung gaano katindi ang galit mo sa akin.
28. Dahil narinig ko ang galit mo at ang pagmamayabang sa akin,lalagyan ko ng kawit ang ilong mo, at bubusalan ko ang bibig mo,at hihilahin ka pabalik sa iyong pinagmulan, sa daan na iyong tinahak.’ ”
29. Sinabi pa ni Isaias kay Hezekia, “Ito ang tanda na iingatan ng Panginoon ang Jerusalem sa mga taga-Asiria: Sa taon na ito, ang mga bunga ng mga tanim na kusang tumutubo lang ang kakainin ninyo, at sa susunod na taon ang mga bunga naman ng mga tanim na tumubo mula sa dating tanim. Pero sa ikatlong taon, makakapagtanim na kayo ng trigo at makakaani. Makakapagtanim na rin kayo ng mga ubas at makakakain ng mga bunga nito.
30. At ang mga natirang buhay sa Juda ay muling uunlad, katulad ng tanim na nagkakaugat nang malalim at namumunga.
31. Sapagkat may mga matitirang buhay na mangangalat mula sa Jerusalem, sa Bundok ng Zion. Titiyakin ng Panginoong Makapangyarihan na itoʼy magaganap.
32. “Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa hari ng Asiria: Hindi siya makakapasok sa lungsod ng Jerusalem, ni hindi makakapana kahit isang palaso rito. Hindi siya makakalapit na may pananggalang o kayaʼy mapapaligiran ang lungsod para lusubin ito.
33. Babalik siya sa pinanggalingan niya, sa daan na kanyang tinahak. Ako, ang Panginoon, ay nagsasabing hindi siya makakapasok sa lungsod na ito.
34. Iingatan at ililigtas ko ang lungsod na ito para sa karangalan ko at dahil sa pangako ko kay David na aking lingkod.”
35. Kinagabihan, pumunta ang anghel ng Panginoon sa kampo ng Asiria at pinatay niya ang 185,000 kawal. Kinaumagahan, paggising ng mga natitirang buhay, nakita nila ang napakaraming bangkay.
36. Dahil dito, umuwi si Senakerib sa Nineve at doon na tumira.
37. Isang araw, habang sumasamba si Senakerib sa templo ng dios niyang si Nisroc, pinatay siya ng kanyang dalawang anak na lalaki na sina Adramelec at Sharezer sa pamamagitan ng espada at tumakas ang mga ito papunta sa Ararat. At ang anak niyang si Esarhadon ang pumalit sa kanya bilang hari.