2 Hari 19:10-22 Ang Salita ng Dios (ASND)

10. “Huwag kang magpaloko sa inaasahan mong Dios kapag sinabi niya, ‘Hindi ipapaubaya ang Jerusalem sa kamay ng hari ng Asiria.’

11. Makinig ka! Narinig mo kung ano ang ginawa ng mga hari ng Asiria sa halos lahat ng bansa. Nilipol sila nang lubusan. Sa palagay mo ba makakaligtas ka?

12. Nailigtas ba ang mga bansang ito ng dios nila? Ang mga lungsod ng Gozan, Haran, Reshef at ang mga mamamayan ng Eden na nasa Tel Asar ay nilipol ng mga ninuno ko.

13. May nagawa ba ang hari ng Hamat, Arpad, Sefarvaim, Hena at Iva?”

14. Nang makuha ni Hezekia ang sulat mula sa mensahero, binasa niya ito. Pumunta siya sa templo ng Panginoon at inilapag ang sulat sa presensya ng Panginoon.

15. Pagkatapos, nanalangin siya, “Panginoon, Dios ng Israel na nakaupo sa trono sa pagitan ng mga kerubin, kayo lang po ang Dios na namamahala sa lahat ng kaharian dito sa mundo. Nilikha ninyo ang kalangitan at ang mundo.

16. Panginoon, pakinggan nʼyo po at tingnan ang mga nangyayari. O Dios na buhay, narinig nʼyo ang mga sinabi ni Senakerib na lumapastangan sa inyo.

17. Panginoon, totoo po na nilipol ng mga hari ng Asiria ang maraming bansa.

18. Winasak nila ang mga dios-diosan nila sa pamamagitan ng pagtapon ng mga ito sa apoy. Dahil hindi po ito mga totoong dios kundi mga bato at kahoy lang na ginawa ng tao.

19. Kaya, Panginoon naming Dios, iligtas po ninyo kami sa kamay ng Asiria, para malaman ng lahat ng kaharian dito sa mundo na kayo lang, Panginoon, ang Dios.”

20. Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Hezekia ng ganito, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel: Narinig ko ang panalangin mo tungkol kay Haring Senakerib ng Asiria.

21. Ito ang sinabi ko laban sa kanya:‘Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem.Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka.

22. Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo?Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo?Hindi baʼt ako, ang Banal na Dios ng Israel?

2 Hari 19