2 Hari 18:7-19 Ang Salita ng Dios (ASND)

7. Sumakanya ang Panginoon kaya nagtagumpay siya sa lahat ng ginawa niya. Nagrebelde siya sa hari ng Asiria at hindi niya ito pinaglingkuran.

8. Nasakop ni Hezekia ang Filistia hanggang sa Gaza at mga hangganan nito, mula sa mga bantayang tore hanggang sa napapaderang lungsod.

9. Nang ikaapat na taon ng paghahari ni Hezekia, na siyang ikapitong taon ng paghahari ni Hoshea sa Israel, lumusob si Haring Shalmanaser ng Asiria sa Israel at sinimulang paligiran ang bayan ng Samaria.

10. Pagkalipas ng tatlong taon, nang ikaanim na taon ng paghahari ni Hezekia at ikasiyam na taong paghahari ni Hoshea, nasakop ng Asiria ang Samaria.

11. Dinala ng hari ng Asiria ang mga Israelita sa Asiria at pinatira sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media.

12. Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil hindi sila sumunod sa Panginoon na kanilang Dios. Nilabag nila ang kanyang kasunduan at hindi sumunod sa lahat ng utos na ibinigay ng Panginoon sa pamamagitan ng lingkod niyang si Moises. Hindi nila pinakinggan o sinunod ang mga utos nito.

13. Nang ika-14 na taon ng paghahari ni Hezekia, nilusob ni Haring Senakerib ng Asiria ang lahat ng napapaderang lungsod ng Juda at sinakop ito.

14. Kaya nagpadala ng mensahe si Haring Hezekia sa hari ng Asiria sa Lakish: “Nagkasala ako sa pagrerebelde ko sa iyo. Ibibigay ko ang kahit anong hihilingin mo, basta umalis ka lang dito sa amin.” Kaya pinagbayad ng hari ng Asiria si Haring Hezekia ng mga sampung toneladang pilak at isang toneladang ginto.

15. Ibinigay ni Hezekia ang lahat ng pilak na nasa templo ng Panginoon at ang nasa kabang-yaman ng palasyo.

16. Ipinatanggal ni Hezekia pati na ang mga ginto na nakabalot sa mga pintuan at hamba ng templo ng Panginoon at ibinigay niyang lahat sa hari ng Asiria.

17. Ipinadala ng hari ng Asiria ang pinuno ng mga kumander, mga punong opisyal, at ang kumander ng mga sundalo niya. Kasama nila ang napakaraming sundalo mula sa Lakish para harapin si Haring Hezekia sa Jerusalem. Tumigil sila malapit sa may daluyan ng tubig na nasa itaas ng lugar na pinag-iimbakan ng tubig kung saan naglalaba ang mga tao.

18. Ipinatawag nila si Haring Hezekia, pero ang pinapunta ng hari ay sina Eliakim na anak ni Hilkia, na namamahala ng palasyo, Shebna na kalihim at Joa na anak ni Asaf, na namamahala ng mga kasulatan sa kaharian.

19. Sinabi sa kanila ng kumander ng mga sundalo, “Sabihin nʼyo kay Hezekia na ito ang sinasabi ng makapangyarihang hari ng Asiria:“ ‘Ano ba ang ipinagmamalaki mo?

2 Hari 18