2 Hari 17:24-39 Ang Salita ng Dios (ASND)

24. Nagpadala ang hari ng Asiria ng mga tao mula sa Babilonia, Cuta, Ava, Hamat at Sefarvaim, at pinatira niya sila sa mga bayan ng Samaria para palitan ang mga Israelita. Sinakop ng mga taga-Asiria ang Samaria at ang iba pang mga bayan ng Israel.

25. Sa simula pa lang ng pagtira nila roon ay hindi na sila sumamba sa Panginoon, kaya pinadalhan sila ng Panginoon ng mga leon para patayin sila.

26. Sinabi ng mga tao sa hari ng Asiria: “Ang mga pinatira mo sa mga bayan ng Samaria ay walang alam sa kautusan ng dios sa lugar na iyon. Kaya nagpadala siya ng mga leon para patayin sila dahil hindi nga nila nalalaman ang kanyang kautusan.”

27. Kaya, nag-utos ang hari ng Asiria, “Pabalikin sa Samaria ang isa sa mga pari na binihag natin. Hayaan nʼyo siyang magturo sa mga bagong nakatira roon kung ano ang kautusan ng dios sa lugar na iyon.”

28. Kaya ang isa sa mga pari na binihag mula sa Samaria ay bumalik at tumira sa Betel, at tinuruan niya ang mga bagong nakatira roon kung paano sambahin ang Panginoon.

29. Pero ang ibaʼt ibang grupo ng mga taong ito ay patuloy pa rin sa paggawa ng sarili nilang mga dios-diosan. Sa bawat bayan na tinitirhan nila ay nilalagyan nila ng mga dios-diosan sa mgasambahan sa matataas na lugar na ginawa ng mga taga-Samaria.

30. Ginawang dios ng mga taga-Babilonia si Sucot Benot. Sinamba ng mga taga-Cuta ang dios nilang si Nergal. Sinamba naman ng mga taga-Hamat si Ashima.

31. Sinamba ng mga taga-Ava ang dios nilang sina Nibhaz at Tartac. Sinunog naman sa apoy ng mga taga-Sefarvaim ang mga anak nila bilang handog sa dios nilang sina Adramelec at Anamelec.

32. Sinamba nila ang Panginoon, pero pumili sila ng mga pari na mula sa kanila para mag-alay ng mga handog sa mga sambahan sa matataas na lugar.

33. Kahit sinasamba nila ang Panginoon, patuloy pa rin sila sa pagsamba sa kanilang mga dios-diosan ayon sa kaugalian ng mga bansang pinanggalingan nila.

34. Hanggang ngayon, ginagawa pa rin nila ito. Wala silang takot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, mga turo at mga kautusan na ibinigay ng Panginoon sa lahi ni Jacob, na pinangalanan niyang Israel.

35. Gumawa ang Panginoon ng kasunduan sa mga Israelita, at iniutos sa kanila: “Huwag kayong sumamba sa mga dios-diosan o lumuhod sa kanila o maglingkod, o kayaʼy maghandog sa kanila.

36. Sambahin ninyo ako, ang Panginoon na naglabas sa inyo mula sa Egipto sa pamamagitan ng dakila kong kapangyarihan at lakas. Ako lamang ang inyong sasambahin at hahandugan.

37. Palagi ninyong sundin ang mga tuntunin, turo at mga kautusan na isinulat ko para sa inyo. Hindi kayo dapat sumamba sa ibang dios.

38. Huwag ninyong kalimutan ang kasunduang ginawa ko sa inyo at huwag kayong sasamba sa ibang dios.

39. Sa halip, ako lamang ang sambahin ninyo, ang Panginoon na inyong Dios. Ako lang ang magliligtas sa inyo sa lahat ng kaaway ninyo.”

2 Hari 17