2 Hari 17:2-18 Ang Salita ng Dios (ASND)

2. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon, pero hindi kasinsama ng ginawa ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.

3. Nilusob ni Haring Shalmanaser ng Asiria si Hoshea at natalo niya ito, kaya napilitang magbayad ng buwis taun-taon ang Israel sa Asiria.

4. Pero nagplano si Hoshea laban sa hari ng Asiria sa pamamagitan ng paghingi ng tulong kay Haring So ng Egipto para makalaya sa kapangyarihan ng Asiria. Hindi na rin siya nagbayad ng buwis katulad ng ginagawa niya taun-taon. Nang malaman ng hari ng Asiria na nagtraydor si Hoshea, ipinadakip niya ito at ipinakulong.

5. Pagkatapos, nilusob ng hari ng Asiria ang buong Israel. Sa loob ng tatlong taon, pinaligiran niya ang Samaria.

6. Nang ikasiyam na taon ng paghahari ni Hoshea, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria at dinala ang mga taga-Israel sa Asiria bilang mga bihag. Pinatira niya sila sa lungsod ng Hala, sa mga lugar na malapit sa Ilog ng Habor sa Gozan at sa mga bayan ng Media.

7. Nangyari ito sa mga taga-Israel dahil nagkasala sila sa Panginoon na kanilang Dios na naglabas sa kanila sa Egipto at nagpalaya mula sa kapangyarihan ng Faraon na hari ng Egipto. Sumamba sila sa mga dios-diosan

8. at ginaya nila ang mga kasuklam-suklam na ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Sumunod din sila sa kasuklam-suklam na pamumuhay ng mga hari nila.

9. Palihim din silang gumawa ng mga bagay na hindi nakalulugod sa Panginoon na kanilang Dios. Gumawa rin sila ng mga sambahan sa matataas na lugar sa lahat ng bayan mula sa pinakamaliit na barangay hanggang sa malalaking napapaderang lungsod.

10. Nagpatayo sila ng mga alaalang bato at mga posteng simbolo ng diyosang si Ashera sa ibabaw ng bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.

11. Nagsunog sila ng mga insenso sa bawat sambahan sa matataas na lugar katulad ng ginagawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan nila. Gumawa sila ng mga kasuklam-suklam na bagay na nakapagpagalit sa Panginoon.

12. Sumamba sila sa mga dios-diosan kahit na sinabi ng Panginoon, “Huwag kayong sasamba sa mga dios-diosan.”

13. Paulit-ulit na nagpapadala ang Panginoon ng mga propeta para bigyang babala ang Israel at ang Juda: “Itigil ninyo ang mga kasuklam-suklam ninyong ginagawa. Sundin ninyo ang mga utos ko at tuntunin ayon sa kautusan na iniutos ko sa inyong mga ninuno at ibinigay ko sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na propeta.”

14. Pero hindi sila nakinig. Matitigas ang ulo nila katulad ng mga ninuno nilang walang tiwala sa Panginoon na kanilang Dios.

15. Itinakwil nila ang tuntunin ng Panginoon, ang kasunduang ginawa niya sa mga ninuno nila, at hindi rin sila nakinig sa mga babala niya. Sinunod nila ang mga walang kwentang dios-diosan at silaʼy naging walang kwenta na rin. Ginawa nila ang mga bagay na ipinagbabawal ng Panginoon na ginagawa ng mga bansang nakapalibot sa kanila.

16. Itinakwil nila ang lahat ng utos ng Panginoon na kanilang Dios. Gumawa sila ng larawan ng dalawang guya at posteng simbolo ng diyosang si Ashera. Sumamba sila sa lahat ng bagay na nasa langit, at kay Baal.

17. Inihandog nila ang mga anak nila sa apoy. Sumangguni sila sa mga manghuhula, gumamit ng pangkukulam at ipinagbili ang sarili nila sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon, at ito ang nakapagpagalit sa kanya.

18. Galit na galit ang Panginoon sa Israel kaya pinalayas niya ang mga ito sa harapan niya. Ang lahi lang ni Juda ang natira sa lupain.

2 Hari 17