6. Nang panahong iyon, nabawi ni Haring Rezin ng Aram ang Elat sa pamamagitan ng pagpapalayas niya sa mga mamamayan ng Juda. At pumunta ang mga Arameo roon para manirahan at doon sila nakatira hanggang ngayon.
7. Nagsugo ng mga mensahero si Ahaz para sabihin kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria, “Lingkod mo ako at kakampi. Iligtas mo ako sa mga kamay ng hari ng Aram at ng hari ng Israel na lumulusob sa akin.”
8. Kinuha ni Ahaz ang pilak at ginto sa templo ng Panginoon at mga kabang-yaman sa palasyo at ipinadala ito bilang regalo sa hari ng Asiria.
9. Pumayag ang hari ng Asiria sa kahilingan ni Ahaz, kaya nilusob niya ang Damascus at sinakop ito. Dinala niya sa Kir ang mga naninirahan dito bilang mga bihag at pinatay niya si Rezin.
10. Pagkatapos, pumunta si Haring Ahaz sa Damascus para makipagkita kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria. Nang naroon na siya, may nakita siyang altar. Kaya pinadalhan niya ang paring si Uria ng plano ng altar kasama ang mga detalye sa paggawa nito.
11. Gumawa si Uria ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Ahaz at natapos niya ang altar bago makabalik si Ahaz galing Damascus.
14. Pagkatapos, tinanggal niya ang lumang tansong altar na nasa presensya ng Panginoon. Ito ay nasa pagitan ng bagong altar at ng templo ng Panginoon at inilagay niya ito sa bandang hilaga ng bagong altar.
15. Inutusan niya ang paring si Uria, “Gamitin mo ang bagong altar para sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog tuwing umaga at mga handog ng pagpaparangal sa Panginoon tuwing gabi. Gamitin mo rin ito sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog at handog ng pagpaparangal ng hari at ng mga tao, pati na rin ang kanilang mga handog na inumin. Iwisik mo sa bagong altar ang dugo ng handog na sinusunog at ng iba pang mga handog. Pero gagawin kong lugar na aking dalanginan ang tansong altar.”
16. At ginawa nga ng paring si Uria ang lahat ng iniutos ni Haring Ahaz sa kanya.
17. Pagkatapos, inalis ni Haring Ahaz ang mga dingding ng kariton at mga planggana na nasa ibabaw nito. Inalis rin niya ang malaking kawa ng tubig na tinatawag na Dagat sa likod ng mga tansong toro at inilagay ito sa patungang bato.
18. Para masiyahan ang hari ng Asiria, inalis ni Ahaz sa palasyo ang bubong na ginagamit kung Araw ng Pamamahinga at isinara ang daanan ng mga hari ng Juda papasok sa templo.
19. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Ahaz, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
20. Nang mamatay si Ahaz, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Hezekia ang pumalit sa kanya bilang hari.