1. Naging hari ng Juda ang anak ni Jotam na si Ahaz nang ika-17 taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel.
2. Si Ahaz ay 20 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon na kanyang Dios, hindi katulad ng ginawa ng kanyang ninuno na si David.
3. Sumunod siya sa pamumuhay ng mga naging hari ng Israel, at kahit ang kanyang anak ay inihandog niya sa apoy. Ginaya niya ang mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa pamamagitan ng mga Israelita.
4. Nag-alay siya ng mga handog at nagsunog ng mga insenso sa mga sambahan sa matataas na lugar, sa ibabaw ng bundok at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy.
5. Nakipaglaban sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel kay Ahaz. Nilusob nila ang Jerusalem pero hindi nila ito nasakop.
6. Nang panahong iyon, nabawi ni Haring Rezin ng Aram ang Elat sa pamamagitan ng pagpapalayas niya sa mga mamamayan ng Juda. At pumunta ang mga Arameo roon para manirahan at doon sila nakatira hanggang ngayon.
7. Nagsugo ng mga mensahero si Ahaz para sabihin kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria, “Lingkod mo ako at kakampi. Iligtas mo ako sa mga kamay ng hari ng Aram at ng hari ng Israel na lumulusob sa akin.”
8. Kinuha ni Ahaz ang pilak at ginto sa templo ng Panginoon at mga kabang-yaman sa palasyo at ipinadala ito bilang regalo sa hari ng Asiria.
9. Pumayag ang hari ng Asiria sa kahilingan ni Ahaz, kaya nilusob niya ang Damascus at sinakop ito. Dinala niya sa Kir ang mga naninirahan dito bilang mga bihag at pinatay niya si Rezin.
10. Pagkatapos, pumunta si Haring Ahaz sa Damascus para makipagkita kay Haring Tiglat Pileser ng Asiria. Nang naroon na siya, may nakita siyang altar. Kaya pinadalhan niya ang paring si Uria ng plano ng altar kasama ang mga detalye sa paggawa nito.
11. Gumawa si Uria ng altar ayon sa plano na ipinadala ni Ahaz at natapos niya ang altar bago makabalik si Ahaz galing Damascus.
12-13. Pagdating ni Haring Ahaz mula sa Damascus, nakita niya ang altar. Lumapit siya dito at nag-alay ng handog na sinusunog at handog na pagpaparangal at ibinuhos niya sa altar ang handog na inumin at winisikan ng dugo ng hayop na handog para sa mabuting relasyon.
14. Pagkatapos, tinanggal niya ang lumang tansong altar na nasa presensya ng Panginoon. Ito ay nasa pagitan ng bagong altar at ng templo ng Panginoon at inilagay niya ito sa bandang hilaga ng bagong altar.