24. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
25. Nagplano ng masama ang anak ni Remalia na si Peka laban kay Pekaya. Si Peka ang kumander ng mga sundalo ni Pekaya. Kasama ng 50 tao mula sa Gilead, pinatay ni Peka si Pekaya pati sina Argob at Arie sa matatatag na gusali ng palasyo sa Samaria. Pinalitan ni Peka si Pekaya bilang hari.
26. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Pekaya at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
27. Naging hari ng Israel ang anak ni Remalia na si Peka nang ika-52 taon ng paghahari ni Azaria sa Juda. Sa Samaria siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 20 taon.
28. Masama ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawang kasalanan ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel. Hindi niya tinalikuran ang mga kasalanang ito.
29. Nang panahon ng paghahari ni Peka, nilusob ni Haring Tiglat Pileser ng Asiria ang Israel at nasakop niya ang mga lungsod ng Ijon, Abel Bet Maaca, Janoa, Kedesh at Hazor. Nasakop din niya ang Gilead, Galilea at ang buong lupain ng Naftali. At dinala niya sa Asiria ang mga naninirahan dito bilang mga bihag.
30. Pagkatapos, nagplano ng masama ang anak ni Elah na si Hoshea laban sa anak ni Remalia na si Peka. Pinatay niya si Peka at pinalitan bilang hari. Nangyari ito nang ika-20 taon ng paghahari ng anak ni Uzia na si Jotam sa Juda.
31. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Peka, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
32. Naging hari ng Juda ang anak ni Uzia na si Jotam nang ikalawang taon ng paghahari ng anak ni Remalia na si Peka sa Israel.
33. Si Jotam ay 25 taong gulang nang maging hari. Sa Jerusalem siya tumira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon. Ang ina niya ay si Jerusha na anak ni Zadok.
34. Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon katulad ng ginawa ng ama niyang si Uzia.
35. Pero hindi niya ipinagiba ang mga sambahan sa matataas na lugar, kaya nagpatuloy ang mga tao sa paghahandog at pagsusunog ng insenso roon. Si Jotam ang nagpatayo ng Hilagang Pintuan ng templo ng Panginoon.
36. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jotam, at lahat ng ginawa niya ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Juda.
37. Nang panahon ng paghahari niya, sinimulang ipadala ng Panginoon sina Haring Rezin ng Aram at Haring Peka ng Israel para lusubin ang Juda.
38. Nang mamatay si Jotam, inilibing siya sa libingan ng mga ninuno niya sa Lungsod ni David. At ang anak niyang si Ahaz ang pumalit sa kanya bilang hari.