8. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoahaz, at ang lahat ng kanyang ginawa at pagtatagumpay ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
9. Nang mamatay si Jehoahaz, inilibing siya sa Samaria, sa libingan ng kanyang mga angkan. At ang anak niyang si Jehoash ang pumalit sa kanya bilang hari.
10. Naging hari ng Israel ang anak ni Jehoahaz na si Jehoash nang ika-37 taon ng paghahari ni Joash sa Juda. Sa Samaria siya nakatira, at naghari siya roon sa loob ng 16 na taon.
11. Masama ang mga ginawa niya sa paningin ng Panginoon. Sumunod siya sa mga ginawa ni Jeroboam, na anak ni Nebat, na naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Israel.
12. Ang iba pang salaysay tungkol sa paghahari ni Jehoash at lahat ng ginawa niya at pagtatagumpay, pati ang pakikipaglaban kay Haring Amazia ng Juda ay nakasulat sa Aklat ng Kasaysayan ng mga hari ng Israel.
13. Nang mamatay si Jehoash, inilibing siya sa libingan ng mga hari ng Israel sa Samaria. Ang anak niyang si Jeroboam II ang pumalit sa kanya bilang hari.
14. Nang magkasakit si Eliseo at malapit nang mamatay, pumunta sa kanya si Haring Jehoash noong buhay pa ito at umiyak. Sinabi ni Jehoash, “Ama ko! Ama ko! Ang mga karwahe at mangangabayo ng Israel!”
15. Sinabi ni Eliseo, “Kumuha ka ng pana at mga palaso.” Ginawa nga ito ni Jehoash.
16. Sinabi ni Eliseo, “Hawakan mo ang pana.” Habang hawak ito ni Jehoash, ipinatong ni Eliseo ang kamay niya kay Jehoash
17. at sinabi, “Buksan mo ang bintana sa bandang silangan.” Binuksan nga niya ito. Pagkatapos, sinabi ni Eliseo, “Pumana ka.” Pumana nga siya. Sinabi ni Eliseo, “Ang palasong iyon ay palatandaan na pagtatagumpayin ka ng Panginoon laban sa Aram. Tatalunin mo ang mga Arameo sa Apek hanggang sa malipol sila.”
18. Muling sinabi ni Eliseo kay Jehoash na kumuha siya ng mga palaso. Nang makakuha siya, sinabi ni Eliseo, “Panain mo ang lupa.” Pinana nga niya ang lupa ng tatlong beses at huminto siya.