7. Ang dalawang grupo sa inyo na hindi nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga ang siyang magbabantay sa templo ng Panginoon para ingatan ang hari.
8. Dapat ninyong bantayang mabuti ang hari, dala ang inyong mga sandata, sundan nʼyo siya kahit saan siya magpunta. Patayin ninyo ang sinumang lalapit sa inyo.”
9. Ginawa ng mga pinuno ang iniutos ng paring si Jehoyada. Tinipon nila ang mga tauhan nila na nagbabantay kapag Araw ng Pamamahinga, pati na rin ang mga hindi nagbabantay sa araw na iyon at dinala nila kay Jehoyada.
10. Ibinigay ni Jehoyada sa mga pinuno ang mga sibat at pananggalang na nakatago sa templo ng Panginoon, na pag-aari noon ni Haring David.
11. Pumwesto ang mga armadong guwardya sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
12. Pagkatapos, inilabas ni Jehoyada si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan niya ito ng kopya ng mga kautusan ng Panginoon. Idineklara siyang hari at pinahiran ng langis bilang pagkilala na siya na ang hari. Pagkatapos, nagpalakpakan ang mga tao at sumigaw, “Mabuhay ang Hari!”
13. Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga guwardya at ng mga tao, pinuntahan niya ang mga ito sa templo ng Panginoon.
14. Nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, ayon sa kaugalian ng pagdedeklara sa isang hari. Nakapalibot sa hari ang mga pinuno at mga tagapagpatunog ng trumpeta. Ang lahat ng tao ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”
15. Inutusan ni Jehoyada ang mga kumander ng mga sundalo, “Dalhin ninyo si Atalia sa labas. Huwag ninyo siyang patayin sa loob ng templo ng Panginoon. Patayin ang sinumang magliligtas sa kanya.”
16. Kaya dinakip nila siya at dinala sa labas ng pintuan na dinadaanan ng mga kabayong papunta sa palasyo, at doon siya pinatay.
17. Pagkatapos, pinagawa ni Jehoyada ang hari at ang mga tao ng kasunduan sa Panginoon, na magiging mamamayan sila ng Panginoon. Gayon din ang ginawang kasunduan sa pagitan ng hari at ng mga tao na kanyang nasasakupan.
18. Pumunta ang lahat ng tao sa templo ni Baal at giniba ito. Dinurog nila ang mga altar at mga dios-diosan doon, at pinatay nila si Matan na pari ni Baal sa harapan ng mga altar.Pagkatapos, naglagay si Jehoyada ng mga guwardya sa templo ng Panginoon.
19. Isinama niya ang mga kumander ng mga sundalo, mga personal na tagapagbantay ng hari, mga guwardya ng palasyo at ang lahat ng tao. Inihatid nila ang hari sa palasyo mula sa templo ng Panginoon. Doon sila dumaan sa pintuan ng mga guwardya. Pagkatapos, naupo ang hari sa kanyang trono.
20. Nagdiwang ang mga tao at naging mapayapa ang lungsod matapos patayin si Atalia sa palasyo.
21. Si Joash ay pitong taong gulang nang maging hari.