10. Ibinigay ni Jehoyada sa mga pinuno ang mga sibat at pananggalang na nakatago sa templo ng Panginoon, na pag-aari noon ni Haring David.
11. Pumwesto ang mga armadong guwardya sa palibot ng templo at ng altar para protektahan ang hari.
12. Pagkatapos, inilabas ni Jehoyada si Joash na anak ng hari at kinoronahan. Binigyan niya ito ng kopya ng mga kautusan ng Panginoon. Idineklara siyang hari at pinahiran ng langis bilang pagkilala na siya na ang hari. Pagkatapos, nagpalakpakan ang mga tao at sumigaw, “Mabuhay ang Hari!”
13. Nang marinig ni Atalia ang ingay ng mga guwardya at ng mga tao, pinuntahan niya ang mga ito sa templo ng Panginoon.
14. Nakita niya roon ang bagong hari na nakatayo malapit sa haligi, ayon sa kaugalian ng pagdedeklara sa isang hari. Nakapalibot sa hari ang mga pinuno at mga tagapagpatunog ng trumpeta. Ang lahat ng tao ay nagsasaya at nagpapatunog ng mga trumpeta. Nang makita ito ni Atalia, pinunit niya ang kanyang damit sa sama ng loob at sumigaw, “Mga traydor! Mga traydor!”